Putulin mo!

Putulin mo!

At kung ang kamay mo ay ipinagkakasala mo, putulin mo; mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa mabulid sa impierno nang may dalawang kamay sa apoy na di namamatay. At kung ang iyong paa ay ipinagkakasala mo, putulin mo; mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa mabulid sa impierno nang may dalawang paa.

At kung ang iyong mga mata ay ipinagkakasala mo, dukitin mo; mabuti pa sa iyo ang pumasok na may isang mata sa kaharian ng Diyos kaysa mabulid sa impierno nang may dalawang mata, na doon ay hindi mamamatay ang kanilang uod at di naaampat ang apoy.” (Mc. 9: 43, 47-48).

Kung sa ganon baka marami ang putol ang kamay, putol ang paa at baka ang iba wala nang mga mata. Hindi dapat literal ang pagkaintindi natin sa ebanghelyo. Ang ibig sabihin ni Hesus na pag may mga pag-uugali tayo na hadlang sa pagsunod sa kanya dapat ihinto na natin ito.

Kung may mga pag-uugali tayo na hindi maganda sa ating pakikipagkapwa baguhin na natin ito. Huwag mong ituloy ang mga pag-uugali na hindi kaayaya sa mata ng Diyos at sa tao.

Dahil ito ang magpapalayo sa atin kay Kristo. Gamitin natin ang ating lakas para sa paggawa ng mabuti at hindi sa masama. May kamay ka, ginawa mo ba para sa mabuti? Ang kamay ay ginawa upang gamitin sa pakikipagsundo hindi sa pagsampal sa kaaway o kagalit mo. Ang mga paa ay ginawa upang puntahan natin si Kristo sa kanyang banal na tahanan.

Lahat tayo ay may mga kahinaan sa buhay natin. At ito ay nagpapa-alala sa atin na si Kristo lamang ang ating kalakasan. Hingiin mo kay Kristo na baguhin ka N’ya. Sa ating panalangin, hindi lamang tayo magdasal ng mga materyal na bagay, kundi magdasal din tayo at humingi ng grasya at lakas kung paano natin mabago ang ating sarili. Dahil ang pagbabago ng sarili ay ang pagpupuri sa Panginoon. Ikaw gusto mo bang magbago? Kung Oo ang sagot mo. Handa ka bang “putulin” o ihinto mo ang mga pag-uugali mo na hindi kaayaya sa Diyos. Walang pagbabago kung hindi natin putulin ang mga masasamang pag-uugali natin. Ihinto mo ang mga pagkakasala mo dahil ang kasalanan ay ang paghihiwalay ng ating relasyong kay Kristo. Kung hindi mo putulin ang pagkakasala mo, ito ang magdala sa ‘yo sa kaparusahan, kung saan ang apoy ay hindi mamamatay. At kung “putulin” mo o ihinto mo ang pagkakasala mo ito ang magbigay s’yo ng kapayapaan at kasaganaan tungo sa buhay na walang hanggan.

Panalangin: Panginoon, tulungan mo kami na maputol ang mga kasamaan sa buhay naming. Bigyan mo kami ng talino at lakas na talikuran ang kasamaan at kadiliman. Magpadala ka ng mga tunay na kaibigan na mag-akay sa amin tungo sa liwanag at kalayaan. Ikaw ang aming tunay na kaligayahan at kaligtasan. Nawa’y sa pagputol namin sa aming masasamang pag-uugali, sa mga kasalanan, maging “connected” kami sa iyo para tahakin na namin ang daan tungo sa iyong kaharian. Amen.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________