
Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”(Mc. 9: 37).
Gusto ng tao na palaging mauuna. Kung may mga bagong labas na “gadget” gustong mauna na makabili. Mahaba ang pila ng tindahan para lang makabili ng unang bagong labas na produkto. May nakita ako na bagong bukas ng kainan, at ang mga tao ay nag-uunahan para sila ang unang makatikim sa produkto. Sa mga handaan gusto natin na tayo ang uunahin na pagsilbihan.
Pero ang tunay na Kristiyano ay hindi ang sarili ang inuuna kundi ang Diyos at ang kapwa. Kung hindi natin isasabuhay ang turo ni Hesus sa atin, malamang ang sarili ang uunahin hindi ang kapakanan ng ating mga kapatid. Ang turo ng Diyos ay gabay sa ating pamumuhay bilang Kristiyano. Si Hesus mismo ang nagsabi; ““Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hindi inuuna ni Hesus ang kanyang sarili kundi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Tinuro na mismo ni Hesus na S’ya man din ang magdanas ng hirap pero may pag-asa dahil S’ya ay mabubuhay sa ikatlong araw. Pero ito ay hindi naunawaan ng mga alagad. Dahil dito sila ay nagtalotalo kung sino ang pinakadakila sa kanila. Tinuturuan tayo ni Hesus na ang tunay na kadakilaan ay ang pagsunod sa kalooban ng ating Amang nasa langit. Hindi ang sarili ang inuuna kundi ang kalooban ng ating Ama.
Ang tunay na kadakilaan ay ang paglimot ng sarili. Tulad ng isang bata, na wala pang S’yang “sarili”. Ibig sabihin ko rito, ay ang bata ay nakadepende pa sa kanyang mga magulang. Ang kanyang mga magulang pa ang ang nagdedesisyon ng kanyang buhay. Tayo ay mga anak na Diyos at may plano ang Diyos sa buhay natin. Ang hamon para sa atin ay pakinggan at sundan ang plano ng Diyos sa buhay natin. “Tinawag N’ya ang isang maliit na bata, at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi, “Ang sinumang tumanggap sa isang maliit na batang tulad into alang-alang sa akin ay tumanggap sa akin- hindi ako ang kanyang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.” (Mc. 9:36-37).
Kadakilaan sa mata ng Diyos ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at paglilingkod sa kapwa!
Father Jay Flandez SVD