Effata

Effata

Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabukasan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. (Mc. 7:34-35).

Ang ating pananalita o ugali ay isang paglalarawan ng ating sarili. At ito ay nagbibigay sa ating ng pagkakakilalan o “identity.” May mga tao sa ating komunidad na walang boses, hindi nagsasalita, sa maraming kadahilanan. Baka nahihiya, natatakot o walang paki-alam sa pangyayari ng ating komunidad. Mahalaga ang boses ng bawat mananampalataya. Kung ating natandaan tatlong taon nang nakalipas, na ang ating Simbahan ay naglungsad ng programa na bawat mananampalataya ay lumahok sa gawain nito. Yung “Synodal Church” may mga katanungan ang Simbahan na humimok sa atin na makilahok sa programang ito. At tayo ay nakapag-hayag ng ating mga opinyon o saloobin.

Ang punto ng ating Simbahan ay bawat boses ng mananampala-taya ay mahalaga. Bukas ang namumuno ng ating Simbahan sa ating mga sasabihin. Dahil ang layunin ng ating Simbahan ay sabay sabay tayo sa ating paglalakbay tungo sa kanyang kaharian. At ito din ang hamon sa atin na dapat  bukas din tayo sa turo at gabay ng ating simbahan. Hindi lamang ang ating gusto ang masusunod, dahil may mga gusto tayo na hindi maghahatid sa ating kabanalan. Ang layunin ng ating Simbahan ay para sa ating kabanalan at kaligtasan. Nawa’y maging bukas tayo sa gabay at turo ng ating simbahan.

Nawa’y mabuksan ang ating puso sa panawagan ng Diyos na maging tunay na taga sunod sa Kanya. Kung ikaw ay dadalo sa Banal na Misa hingiin mo sa Banal na Espiritu Santo na hipuin ang iyong isip at puso upang maging bukas ka sa kanyang Banal na Salita. Karamihan sa atin ay nakakalimutan ang mga banal na pagbasa pagkatapos ng Misa. At wala tayong maibahagi sa iba dahil walang natira na salita ng Diyos sa isip at puso natin. At dahil walang naalala na salita ng Diyos, wala din tayong maibahagi sa iba. 

Hindi natin mapakinggan ang boses ng Diyos kung maingay ang isip at puso natin. “Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito.” (Mc. 7: 33).   Para mapakinggan ang boses ng Diyos lumayo ka muna sa iyong mga takot, pangamba, iyong mga plano, tumahimik ka at hayaan mo ang Diyos kumausap sa iyo. Kadalasan kung tayo ay nananalangin hindi naman ang Diyos ang iniisip natin, ang ating iniisip ay ang ating sariling problema, mga plano at iba pa.

Ilayo mo muna ang sarili mo sa makamundong pamamaraan at buksan mo ang puso at isip mo para makita mo ang gabay ng Diyos sa buhay mo.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________