Pagbabahaginan ay may kapangyarihan!

Pagbabahaginan ay may kapangyarihan!

Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao; gayun din ang ginawa niya sa isda. Binigyan ang lahat hangga’t gusto nila.” (Jn. 6: 11).

Ang tunay na Kristiyano ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa kaharian ng Panginoon, nagbibigay ng kanyang oras para sa kapwa. Maraming nagugutom dahil naging makasarili ang tao, iniisip na lang kanyang kapakanan at hindi na sa ibubuti ng karamihan. Kung hindi natin isasabuhay ang ating pagka-Kristiyano maraming maiiwan at makalimutan. Tandaan natin ang ating Simbahan ay “Synodal Church” sabay-sabay na naglalakbay bilang Kristiyano, at para walang maiiwan dapat hindi lamang sinisigurado ang sarili kundi marunong umintindi sa iba. Kung ang ating pag-uugali ay tunay na alagad ni Kristo, marami tayong maaakay tungo kay Kristo. 

Sa kasalukuyan maraming bansa na naghihirap dahil ang mga mayayaman ay walang pakialam sa kanilang mahihirap na kababayan. Nawa’y tayo bilang Kristiyano huwag natin kalimutan ang mga nasa laylayan ng ating bayan. Sila rin ay ating mga kapatid, magbigay tayo ng panahon, tulong sa mga nangangailangan. Ipakita natin si Kristo sa pamamagitan ng ating kabutihan at sa pagbabahaginan.

Ang tunay na kayaman ay ang pagbabahaginan, dahil ang tunay na kasiyahan ay ang pagtulong sa mga nangangailangan. Ang tunay na kalayaan ay ating makamtan kung tayo ay nagbabahaginan at nagtutulungan. Ito ang mensahe ng ating pagbasa sa Linggong ito, na kung marunong tayo magbahaginan may pagbabago sa ating lipunan. Maahon natin ang bayan kung tayo ay magtulungan. 

Kung gusto natin ng mga pagpapala kailangan magtiwala sa Diyos at ating ibigay ang ating buhay para kanyang kaharian. Walang pagbabago, o pagpapala kung hindi natin isuko ang ating buong pagkatao kay Kristo. Sa ating pagbasa maraming mga taong  gustong makinig kay Hesus at sila’y sumunod sa kanya. Noong nakita ni Hesus ang napakaraming tao, inutusan N’ya ang kanyang mga alagad na pakainin ang mga ito. Ang problema ay wala silang mabilhan ng pagkain dahil ang lugar ay isang ilang. Noong nakita nila ang bata ng may dalang tinapay at isda, ito ay inialay kay Hesus. At pinarami ni Hesus ang ibinigay sa kanya. At dahil doon napakain ang napakaraming tao dahil may pagbabahaginan.

Ang pagbabahaginan ay may kapangyarihan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________