
Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?” (Mc. 4:39-40).
Sa ating paglalakbay bilang Migrante marami tayong mga pangamba, takot sa buhay natin. Pangamba pagmalapit na matapos ang kontrata kung irere-contract ba tayo? Takot dahil malayo tayo sa ating mga mahal sa buhay, kung ano ang mangyayari sa kanila. Tulad ng mga alagad, sa kanilang paglalakbay sila man din ay napuno ng takot noong hinampas ng malaking alon ang kanilang bangka. Ginising nila si Hesus; “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” At pinatigil ni Hesus ang malakas na alon at hangin; “tigil, tumahimik ka” ani ni Hesus. At tumigil ang malakas na hangin.
Ito ay pagpapakita na si Hesus ang banal, na S’ya ay Diyos. S’ya ang lumikha ng sanlibutan at kaya ni Hesus sa kanyang kapangyarihan na patigilin ang malakas na hangin. Magagawa ni Hesus na patigilin ang mga pangamba sa puso mo, mga takot at unos at bagyo sa buhay mo. Lumapit at manalig lamang tayo sa kanya.
Napuno ng takot ang mga alagad dahil hindi pa nila lubusang nakilala si Hesus. Noong napatigil ni Hesus ang malakas na hangin sila ay nagtaka; “Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?” (Mc. 4:41). Ito ang hamon sa buhay pananampalataya natin na kilalanin natin lubusang si Hesus para hindi mapuno ng takot ang buhay natin. Bilang tao natural ang takot, pero kung ang takot na ang maghari sa buhay mo, hindi na pananalig kay Hesus, mawawala tayo sa ating direksyon sa ating paglalakbay sa buhay. Hayaan mo ang pananalig ang mag-gabay sa iyong buhay. Di ba sabi ni San Pablo; “Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita” (2 Cor.5:6).
Ang tunay na pananampa-lataya ay ang pagkilalang lubusang kung sino si Hesus sa buhay natin. S’ya ay Diyos, ang ating kasama sa buhay at sa ating paglalakbay bilang Migrante, S’ya ay ating kakampi at handang tumulong sa atin kung may “bagyo” sa buhay natin. Tumawag lamang tayo sa kanya.
Manalig ka kay Hesus at mapawi ang takot na bumalot sa buhay.
Father Jay Flandez SVD