
Sumainyo ang Kapayapaan, ito ang bati ni Hesus sa kanyang mga Alagad. At kasunod non ay paghinga ng Espiritu Santo. Mahal tayo ng Diyos at alam nya ang ating kahinaan at pangangailangan. Ang Espiritu Santo ang ating lakas na kaloob ng Diyos. Espiritu na nagpapatapang sa gitna ng takot. Ang Espiritu na nagpapasaya sa gitna ng kalungkutan.
Ang Espiritu Santo ang ating gabay at liwanag sa gitna ng dilim. Kaya pwede nating isipin at pagnilayan ang ating pamumuhay at pakikipag- kapwa Kung anong Espiritu ba ang sumapi o lumukob sa ating buhay. Dahil sabi nga sa Bibliya ang “bunga ng Espiritu ay Pag-ibig, Kagalakan, Kapayapaan, Katiyagaan, Kabaitan, Kabutihan, Katapatan, Kahinahunan, at Pagpipigil sa sarili.” Ito ba ang ating buhay at pakiramdam? Anong Espiritu ba ang naghahari sa ating buhay? Kung ito ay galit, karahasan at kawalang pagibig at kapayapaan, eh hindi ito mula sa Diyos. Dahil ang dulot ng Espiritu Santo ay Pagibig at Kapayapaan.
Sa pagsugo ni Hesus sa atin tayo ay lumalakas at tumitindig ng buong tapang para sa Katarungan at katotohanan. Kung ang Espiritu ng Diyos ay sumasaatin, ang ating puso ay mapupuno ng Pagmamahal sa ating kapwa.
Tayo na at ibukas natin ang ating sarili, at isip at puso at anyahan natin Yang Espiritu Santo na manahan sa ating buhay.
Patnubayan at gabayan tayo ng Espiritu Santo na magpahayag ng Mabuting Balita sa mga dukha at aba.
Father Arnold Abelardo CMF