
Nagpakita si Hesus sa Labing- isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumampalataya at mabinyagan ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumasampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.” (Mc. 16:15-18).
Ang ating Simbahan ay Simbahang nagmimisyon. Bago umakyat si Hesus ito ang bilin sa kanyang mga alagad, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita.” Ang mabuting balita ay dapat ipangaral sa buong sanlibutan, dahil ang Mabuting Balita
ang maghahatid sa atin ng pagbabago o traspormasyon ng ating sarili at lipunan. Sa panahon natin ngayon maraming mga nagkalat na maling impormasyon o mga “fake news.” Bilang mga alagad kay Kristo, alagad ng katotohanan ang ating misyon ay ipalaganap ang katotohanan, ang Mabuting Balita ng Diyos.
Paano ba natin ipalaganap ang Mabuting Balita? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Maninindigan sa tama. Maging saksi tayo sa pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Hindi lamang sa salita ang pagpapahayag ng Mabuting Balita, mas maging buhay ang pananampalataya kung atin itong isagawa.
Ang pagmimisyon ay pagpapatunay na tayo ay kay Kristo, dahil ang mga tumatanggap ng binyag ay naging bahagi sa katawan ni Kristo. Si Kristo ay makapangyarihan, S’ya ang ulo ng katawan, ito ang dahilan na sa ating paggawa ng kabutihan o pagmimisyon meron din tayong kapangyarihan dahil tayo ay naka-ugnay kay Kristo.”Sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang mga kamay.” May kapangyarihan tayo dahil kay Kristo.
Sa pag-akyat ni Hesus sa kalangitan, tayo, ang kanyang Simbahan ay magpatuloy sa kanyang misyon, ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa sanlibutan.
Father Jay Flandez SVD