Mapakangyarihang Guro!

Mapakangyarihang Guro!

Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.”(Mc. 1:21-22).

Makapangyarihan ang turo ni Hesus dahil siya ang tunay na Guro. Ang tinuturo ni Hesus ay kanyang sinasabuhay, binibigyan niya ng buhay sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito. Tandaan natin si Hesus ang salitang nagkatawang tao. Ito ang hamon sa atin bilang tagasunod kay Kristo, na isabuhay natin ang mga turo niya. Kadalasan atin lang napakinggan ang kanyang banal na turo pero hindi natin isinapuso at hindi natin isinasabuhay ang kanyang mga turo. Hindi tayo maging tunay na saksi ni Hesus kundi hindi natin binigyan ng buhay ang kanyang turo. Ang salita ay magkakaroon ng buhay kung ito ay sinasabuhay. Ito ang dahilan kung bakit makapangyarihan ang pagtuturo ni Hesus.

Dahil sinasabuhay ni Hesus ang kanyang tinuturo,  naging makapangyarihan ang kanyang mga salita. Sa isang wika lamang lumayas ang masasamang espiritu sa katawan ng tao; “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Napalaya ni Hesus ang tao sa demonyo. Kung ating isabuhay ang mga banal na aral ni Hesus, ito rin ang magbibigay sa atin ng ating kalayaan. Nagdadasal tayo para sa ating kapayapaan, para sa ating kalayaan. Kung hindi natin isasabuhay ang mga banal na aral ni Hesus, hindi natin makamtan ang tunay na kalayaan. Kung gusto mong maging malaya, isabuhay mo ang kanyang banal na salita. 

Ang turo ni Hesus ay hindi pabigat sa buhay natin, bagkus ito ang daan para sa ating kalayaan. Nandito si Hesus upang iligtas tayo sa pagka-makasarili. Hindi maging malaya ang tao kung ang sarili ang kanyang inu-una. Unahin mo ang Diyos at magtiwala ka sa Diyos, ito ang daan upang makamtan mo ang iyong kalayaan. 

Sa ating paglalakbay kailangan natin ng gabay upang hindi tayo mawala sa ating Kristiyanong pamumuhay. Ang turo ni Hesus ang ating gabay at liwanag. Nawa’y maglaan tayo ng oras o panahon na ating buksan ang ating bibliya at basahin, pagnilayan ang salita ng Diyos. At humingi tayo ng lakas ng Diyos para maisabuhay natin ang kanyang salita. Ang Kristiyanong pamumuhay ay pagsasabuhay ng salita ng Diyos. 

Maging tunay tayo na saksi ni Kristo, kung ating isabuhay ang kanyang banal na turo.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________