Tingnan mo at sundan mo!

Tingnan mo at sundan mo!

Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus.” (Jn.1:36-39).

Dahil kay Juan Bautista ang mga tao ay sumunod kay Hesus. Naging totoo si Juan sa kanyang papel bilang tagapaghanda lamang sa pagdating ng Mesiyas. Marami ang naging alagad ni Juan, at sumusunod sa kanya, at noong sinabi N’ya sa kanyang mga alagad, “Ito ang Kordero ng Diyos” ang kanyang mga alagad ay sumunod kay Hesus, ang tunay na Mesiyas, ang ating tagapagligtas. Marami sa ating mga kapananampalataya ay hindi na ginawa ang kanilang tungkulin bilang kasapi ng simbahan. Sila ay nawawala na sa kanilang pamumuhay bilang Kristiyano. At tinatawag tayo na maging “Juan,” na maging taga-akay ng ating mga kapananampalataya na ibalik natin sila sa tunay na Kristiyanong pamumuhay. 

At tayo ay ina-anyayahan ni Hesus na ating S’yang kilalanin ng lubusan. Ito ang imbitasyon ni Hesus sa mga taong nagtanong; “Saan po kayo nakatira, Rabi?” At ang sagot ni Hesus; “Kalikayo at tingnan ninyo.” Ano ba ang titingnan? Ang tirahan ba ni Hesus? Sa tingin ko, ang gusto ni Hesus na tinggnan natin ang kanyang pamumuhay hindi ang kanyang tirahan o tahanan. Magandang paalala sa atin. Tayo ay nabulag na sa tunay na kahulugan ng pamumuhay. Naging basihan na natin ang magandang bahay, may sasakyan, may kayamanan, ang ating pamumuhay. Hindi tayo nabubuhay sa kayamanan, bagkus tayo’y nabilanggo sa makamundong kayamanan. Kung ikaw ay alipin ng iyong kayamanan hindi yan pamumuhay. Ang tunay na pamumuhay ay nagbibigay buhay sa kapwa. 

Ito ang gusto ni Hesus na makita natin, na kung tayo ay sumusunod sa kanya, tayo ay marunong magbibigay buhay, dahil ito ang tunay na pamumuhay. Hindi naghanap buhay. Nahanap na natin ang buhay, kay Kristo, S’ya ang nagbibigay ng buhay. Nawa’y sa ating pagtratrabaho tayo ay nakapagbigay buhay sa kapwa, tayo ay magbibigay inspirasyon sa ating mga kapatid. Kung ganon ang ating pananaw, ang ating trabaho ay magiging bokasyon. Ating dinadala si Hesus sa ating trabaho, naging bahagi na si Hesus sa ating pamumuhay dahil nahanap na natin ang nagbibigay buhay. 

Ang Kristiyanong pamumuhay ay pagsunod sa buhay ni Hesus.

Nawa’y maglaan tayo ng oras at panahon sa pamamagitan ng pagninilay sa buhay ni Hesus, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, upang atin S’yang sundan sa ating paglalakbay. 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________