
Tayong mga Filipino eh kilala sa pagiging talento o mahusay sa maraming bagay. Mahusay tayo sa pag awit, sayaw at maging sa pagluluto at iba pa. Pag tayo ay napapansin o nababati sa ating kakayanan, ang lagi nating sinasabi eh namana lang natin kay Tatay o kay Nanay o kay Lola. Laging may nagbigay o nagpasa ng husay at galing. At ito ay ating pinagyayaman. Tulad ng mga OFWs dala natin sa ating trabaho ang mga talento at galing na atin namana kahit saan tayo mapunta. Pwede natin sabihin sa kapwa Filipino na “Magaling! Tapat at mabuting alipin! Dahil marunong tayong magbahagi.
Sa Ebanghelyo eh yun ang punto ni Hesus. Tayo ay nakamana ng biyaya, talento, o husay mula sa Diyos. Ang tanong eh paano natin pinaunlad ang mga talento na bigay ni Lord. Ginamit ba natin sa kabutihan ng iba. O baka dahil sa takot o hiya eh itinago lang natin. Naging masipag ba tayo sa pagbabahagi ng ating kakayanan? O naging tamad tayo o walang paki.
Ang ating buhay mismo ay malaking biyaya at grasya ng Diyos. Ang ating kakayanan at yaman ay binigay ng Diyos sa atin para ating palaguin at pagyamanin. Hindi para itago o ibaon dahil sa takot o hiya. Tinatawag tayo ni Hesus na maging mabunga at pagyamanin ang talento at yaman na kaloob nya. Anumang meron tayo ay hindi para sa ating sarili lamang. Anumang meron tayo ay biyaya ng Diyos sa atin upang ibahagi sa ating kapwa. Huwag daw tayong maging tamad o madamot. Maging magaling, tapat at mahusay na lingkod ng Diyos. Gamitin natin ang ating talento para sa ikabubuti ng ating kapwa. Huwag maging tamad. Maging masipag, magaling, tapat at mabuti.
Father Arnold Abelardo CMF