Magbigay para sa Diyos!

Magbigay para sa Diyos!

Ang Diyos ang nagbibigay buhay. Galing ang buhay natin sa kanya, kung hiwalay tayo sa kanya hindi natin maranasan at makamtan ang buhay na ganap. Ang ating Ebanghelyo (Mt. 21;33-43) sa Linggong ito ay nagpapaalala sa atin na ang buhay ay ang pagbibigayan, pagtanggap sa nagbibigay buhay at pagkilala sa may-ari ng buhay.

Ang buhay ay pagbibigay ng sarili para sa Diyos at sa kapwa. “Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga alipin upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang mga alipin; binugbog nila ang isa, pinatay angikalawa, at binato naman ang ikatlo.” (Mt. 21:34-35). Ayaw na nilang ibigay ang kanilang respeto sa may-ari ng ubasan. Wala naman silang ginawa, iniwan ng may-ari ang ubasan na may tanim na. Ang kanilang trabaho ay babantayan na lang. Wala naman silang nai-ambag sa pagtanim, ang naghirap ang may-ari. At bakit naging madamot na sila? Huwag kang madamot sa buhay mo. Gamitin mo ang buhay mo para sa Diyos at sa pagtulong sa kapwa. Ang buhay, ay pagbibigay buhay. Kung hindi mo ibigay ang buhay mo para sa pagtulong sa kapwa, ang buhay mo ay walang kabuhay-buhay.

Tanggapin mo ang nagbibigay buhay sa iyo. “Ngunit nang makita ng mga kasama ang anak, sila’y nag-usap-usap: ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya’t siya’y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.” (Mt. 21:38-39). Kung tayo ay naging sakim na sa mga makamundong bagay, nawawala na rin ang pagpapahalaga ng buhay. Isipin mo para lang mapasa-kanila ang ubasan gumamit sila ng dahas. Walang buhay sa karahasan. 

Kilalanin natin ang may-ari ng buhay, ang ating Panginoon. Kung hindi natin kilala ang Diyos, hindi natin alam ang direksyon ng ating buhay. Ang Diyos ang nagbibigay gabay at kahulugan ng ating paglalakbay. Siya ang ating pundasyon ng ating buhay. Sa panahon ngayon marami tayong nakikita sa telebisyon na mga bahay na inaanod dahil sa matitinding ulan at baha. Dahil mahina ang pundasyon ng bahay, pag may malakas na ulan, madaling mawasak. “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito’y kahanga- hanga!” (Mt. 21:42). Naging pundasyon ba si Kristo sa buhay natin? Kung hindi si Kristo ang pundasyon sa buhay natin madali tayong madala sa mga makamundong pamumuhay. Pamumuhay na walang direksyon, walang relasyon sa Diyos, pamumuhay na hindi nagbibigay buhay. 

Magbigay buhay ka sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at paglilingkod sa kapwa!

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________