Kalooban ng Diyos ang masunod!

Kalooban ng Diyos ang masunod!

Sa ating pagtanggap ng Sakramento ng Binyag tayo ay nagiging mga anak ng Diyos, tayo ay nagiging mga alagad ni Kristo. At bilang mga anak ng Diyos dapat lang na S’ya ang ating sundin at pakinggan ang kanyang pana-wagan na tumalikod sa kasamaan at patuloy sa pag-gawa ng kabutihan. 

Sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, si Hesus ang nagsalaysay ng isang kwento o parabola tungkol sa dalawang anak. “Lumapit ang Ama sa nakakatandang anak na lalaki at sinabi; “Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon. At ang tugon ay, “Ayaw ko po, ngunit nagbago ang kanyang isip at siya ay naparoon. Lumapit din ang Ama sa ikalawa at gayon din ang sinabi, ‘Opo,’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakakatanda po,” sagot nila. (Mt. 21:28-31). 

Ang pagsunod sa kalooban ng Ama ay isang pagpupuri sa Diyos. Ang pagpupuri sa Diyos ay masusukat hindi lamang sa ating bibig, hindi lamang sa ating pagdedebosyon kundi sa ating pagsasabuhay ng ating pananampalataya, at pagtulong sa kapwa. Ang pagsunod sa kalooban ng Ama ay ang pagpupuri sa ating Amang nasa langit. Tulad ng nakakatandang anak na lalaki, noong sinabihan siya ng kanyang Ama, na pumunta ka sa ubasan at magtrabaho, at ang kanyang sagot, ay ‘ayaw ko po’. Pero nagbago ang kanyang isip at pumunta sa ubasan para magtrabaho. Nagsisisi at nagbago upang sundin ang kalooban ng Ama. 

Ang pagbabago ng sarili, ng ating pag-uugali na hadlang sa ating pakikipag-kapwa ay isang pagsunod sa kalooban ng Ama. Hindi ang sarili ang naka-sentro sa ating pagsunod sa Diyos, kundi ang Diyos dapat ang sentro sa buhay natin. Sino ba ang sentro sa buhay mo? Kung ang sarili ang sentro sa buhay mo, hindi ka makasunod sa kalooban ng Ama. Sabihin mo lang na binyagan ako, nagsisimba naman ako, pero hindi naman sumusunod sa banal na utos ng Diyos. Hindi  naman nagpa-patawad sa kapwa. Paano yan? Hindi ka sumunod sa kalooban ng Diyos dahil ang sarili mo pa rin ang naghahari sa pumumuhay mo. Hayaan mo ang Diyos ang maghari sa buhay mo upang ikaw ay tunay na magpupuri sa kanya.  

Hindi madali sumunod sa kalooban ng Diyos. Pero kung tayo ay handang magsakripisyo at mag bigay ng ating oras, panahon at talino para sa kapwa, ating magagawa at masunod ang kalooban ng Diyos. Tandaan natin ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay ang paghahari ng Diyos sa buhay mo. Kung ang Diyos ang naghahari sa buhay natin tayo ay magkakamit ng tagumpay. Huwag kang matakot sa mga pagsubok sa buhay, sa mga suliranin sa buhay dahil kung sumunod ka sa kalooban ng Diyos aayusin niya ang buhay mo. Tulad ng mga makasa-lanan na lumapit kay Hesus at handang magbago ay tinanggap ni Kristo at tuluyang binago ang kanilang pamumuhay, inayos at binago ni Hesus ang kanilang buhay. Dahil ang taong sumunod sa kalooban ng Diyos ay napabilang na sa paghahari ng Diyos.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________