Kristo ang buhay ko!

Kristo ang buhay ko!

Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao   -ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.” (Mt. 10:32-33).

Ang Kristiyanong pamumuhay ay isang pamumuhay na naayon sa kalooban ng Diyos. Pamumuhay na may kaakibat na misyon. At ang ating misyon ay ang pagpapakilala ni Kristo sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Ang Kristiyano pamumuhay ay isang misyon. 

Ang unang misyon natin ay ang kilalanin natin ang Diyos. Hindi maging ganap ang ating buhay bilang isang binyagan kung hindi natin makilalang lubusan si Kristo. Walang saysay ang ating pagsunod sa kanya kung hindi naman natin S’ya kilala. Kung hindi matibay ang ating pagkakilala o relasyon natin kay Kristo, mahina ang ating pundasyon bilang Kristiyano. 

Upang maging matibay ang ating relasyon kay Kristo, ating isabuhay ang ating narinig sa kanya. “Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan.” (Mt. 10:27). Sa ating mga pagninilay sa mga salita ng Diyos at sa ating mga panalangin may mga sinasabi ang Diyos, at ito ang ating ipagsigawan sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga turo ng Diyos. May kasabihan nga sa Ingles; “action speaks louder than words.” Hayaan mo ang pamumuhay mo ang maghahayag sa pananampalataya mo. 

Dahil si Kristo ang buhay natin, dapat ang katapatan natin ay kay Kristo lamang. “Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno.”(Mt. 10:28). Saan ba ang katapatan mo? Kay Kristo o sa mga tao? Kung tapat ka kay Kristo, huwag kang matakot na ipahayag ang pag-ibig mo sa kanya, huwag kang mahiya na ipaglaban mo si Kristo. Alam nyo napansin ko pag ang usapan ay politika o mga politiko maraming mga magkakaibigan, pamilya o komunidad ang nagkawatakwatak, nasisira dahil mas pinaglaban ang politiko kaysa kay Kristo. Kristiyano ka, saan ba ang katapatan mo? Dapat alam mo, kay Kristo tayo! 

Naging Kristiyano tayo dahil tinanggap natin si Kristo at sumunod dapat tayo sa pamamaraan ni Kristo, dahil S’ya ang buhay natin, S’ya
ang ating tagumpay!

 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________