NANG Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag- uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag- uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay.” (Lc. 24:13-17).
Ang mga alagad ay nawala ng pag-asa at direksyon dahil akala nila si Hesus ay wala na. At sa kanilang paglalakbay patungong Emaus, sila’y sinasamahan ni Hesus at dahil sa kanilang matinding kalungkutan sa pagkamatay ni Hesus, hindi nila nakilala na ang nakilakbay sa kanila ay ang kanilang Guro. Tulad ng mga alagad may mga panahon na tayo ay nawalan ng pag-asa, at humina ang ating pananampalataya dahil sa sobrang bigat ng ating problema. Hindi natin nararasan ang presensya ng Panginoon. Pakiramdam natin na nag-iisa na lang tayo.
Sa ating pag-basa sa linggong ito, tayo ay pina-alalahanan ng Diyos, na hindi N’ya tayo iiwan dahil mahal N’ya tayo. Ang pagmamahal ng Diyos ay walang katapusan. Hindi natatapos ang pagmamahal ng Diyos sa krus, ang muling pagkabuhay ni Hesus ang isang patunay na ang kanyang pagmamahal ay walang hanggan. Buhay ang pagmamahal ng Diyos.
Binigyan ni Hesus ng sigla ang dalawang alagad na umuwi na sana sa kanilang bayan dahil akala nila tapos na. Sa kanilang paglalakbay ipinaliwanag ni Hesus ang mga kasulatan; “At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.” (Lc. 24: 27). Kung tayo ay nawalan ng direksyon at pag-asa buksan natin ang ating bibliya upang ating matagpuan ang pag-asa, ang ating direksyon sa buhay sa pamamagitan ni Hesus. Ang salita ng Diyos ay buhay at nagbibigay buhay.
Lalong nabuksan ang kanilang mga puso’t mata noong sila’y naghapunan na; “Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!” (Lc. 24:30-32). Ang Banal na Misa ay nagbibigay lakas sa ating paglalakbay. Ang katawan ni Kristo ay lakas ng ating misyon sa ating paglalakbay. Sikapin natin na dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo o “day-off” natin upang magkaroon tayo ng direksyon sa ating paglalakbay.
Kalakbay natin si Kristo!
Father Jay Flandez SVD