May ilang taon na ang nakalipas mula nang makarating ako sa India upang makilahok sa isang ordinasyon at isang Misang pasasalamat ng dalawang pari ng SVD. Kapansin-pansin ang malaking impluwensia ni Santo Tomas sa pananampalataya ng mga tao. Hindi naman siguro kaila sa marami na dinala ni Santo Tomas ang pananampalataya sa India noong taong 52 AD.
At sa pamamagitan niya ay lumago ang pananampalatayang Kristiyano sa nasabing bansa. Su-balit hindi ba ito ang apostol na nagduda na nabuhay nga ang ating Panginoon?
Hindi ba sa tuwing maririnig natin ang kanyang pangalan ay kaagad nating nasasambit na “doubting Thomas?” Subalit hindi natapos sa pagdududa ang nangyari kay Tomas, bagkus, nang makita niya ang nabuhay na si Kristo siya rin ang nagpahayag ng katagang “Panginoon ko at Diyos ko” noong mapagtanto niya na nabuhay si Kristo.
Noong mabalitaan ni Tomas na nabuhay si Kristo ay malamang na naitanong niya sa kanyang sarili kung siya ba ay maniniwala sa kanyang narinig mula sa kanyang mga kasama na nabuhay si Kristo.
Kung tayo man ang nasa katayuan ni Tomas ay malamang na magduda rin tayo. Kung nabuhay ang Panginoon, ay bakit sila ay nasa loob pa rin ng kwartong iyon, na kung saan ang pintuan ay nanatiling nakapinid? Hindi kaya normal lamang iyon sa isang katulad niya ang magtanong muna at maniguro sa balitang kanyang narinig. Sa ating buhay, hindi ba at tayo man ay namimili, nagtatanong, at nagsisiyasat bago tayo maniwala sa isang pangyayari. Si Tomas ay nagkaroon din ng ganitong yugto sa kanyang buhay.
Nagbago ang lahat nang si Tomas mismo ang makakita sa Panginoon. Sinabihan siya ni Hesus na mapalad ang naniniwala bagamat hindi nila nakikita. Maaring nakayuko ang ulo ni Tomas na tila isang batang pinagsasabihan tungkol sa hindi paniniwalang nagpakita nga si Hesus sa kanyang mga alagad.
Subalit nang mailagay niya ang kanyang mga daliri sa sugat ni Hesus ay wala siyang nasambit kundi “Panginoon ko at Diyos ko.” Mula noon ay hindi na tumigil si Tomas sa pagpapahayag na si Hesus ay muling nabubuhay. Dinala siya ng kanyang mga paa sa dakong silangan at nahantong nga siya sa bansang India. Nanatili siyang kasama ng mga tao at dito na rin sa bansang ito niya hinarap ang kanyang kamatayan. Nangyari ang lahat ng ito sapagkat binago siya ng kanyang pananampalataya.
Nakakatuwang isipin na ang patuloy nating inaalaala na “doubting Thomas” ay naging isang apostol ni Kristo na nagdala ng pananampalataya sa bansang India. Siya na nagduda ay siya ring nagpahayag.
Muli nating alalahanin ang kapangyarihan ng pagkabuhay ni Kristo, na kung saan ay binabago ang lahat. Bawat isa sa atin ay may mga yugto sa ating buhay na kung saan ay wala tayong pinagkaiba kay “doubting Thomas”, subalit atin din sanang mapagtanto na tayo rin ay inaanyayahan na makita si Kristong muling nabuhay. At katulad ni Tomas na napawi ang pagdududa, nawa masambit din natin ang mga katagang “Panginoon ko at Diyos ko” at sa huli ay maipahayag ito sa ating kapatid at kapwa.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Father Alfredo Rollon SVD