Pagmamahal ang buod sa pagtupad sa Banal na Kautusan!

Pagmamahal ang buod sa pagtupad sa Banal na Kautusan!

Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi parang ipaliwanag at ganapin ang mga iyon.” (Mt. 5:17).

Ang pagtupad sa kautusan ng Panginoon ay hindi lamang pagsunod nito, kundi ang pagsasabuhay din nito. Hindi lamang ito parang obligasyon para sa sarili, bagkus ito ay isang pagsasabuhay upang magbibigay buhay sa karamihan. Ito ay obligasyon din natin para sa kapwa. Ang mga Pariseo at mga Eskriba ay sumusunod lamang sa batas ng Panginoon para gawin ang kanilang obligasyon. Pero wala silang pagmamahal sa kapwa. Tayo ay pina-alalahanan ni Hesus; “Kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga Eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Mt. 5: 20). Dahil ang mga Eskriba at Pariseo ay tumupad lamang dahil ito ay obligasyon upang mapabanal ang kanilang sarili. Maganda na mapabanal ang sarili, di ba? Pero ang pagsunod nila sa banal na kautusan ay para lamang sa kanilang sarili. Hindi para mahalin ang kapwa. Makasarili ang kanilang hangad sa pagtupad sa batas ng Diyos.

Ang pagsunod sa kautusan ng Panginoon ay hindi lamang pang-sarili, kundi ito ay para sa ikakabuti ng sangkatauhan. Hindi ka literal na pumatay pero puno ng galit ang puso mo para mo nang pinatay ang kapatid mo sa puso mo. Sabi ni Hesus, ”Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno.” (Mt. 5:21-22). Ang pagpatay sa kapwa ay hindi lamang literal, kung ikaw ay galit na galit sa kapwa mo, hindi ka na nagpapatawad;  sa puso mo para mo na S’yang pinatay. At sabi ni Hesus ito ay isang pagpatay. Pisikal hindi mo S’ya sinaktan, pero sa Espiritual pinatay mo na S’ya. At ang iyong Espiritu ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos.

Ang pagsasabuhay sa banal na kautusan ay para sa ating kabanalan at ikabubuti ng sangkatauhan. Kung ang ating pagsunod ay para sa sarili lamang hindi natin ganap at tunay na sinasabuhay ang mga utos ng Diyos.  

Pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang buod sa pagtupad ng kautusan. Ang Diyos ay pag-ibig at galing tayo sa kanya. Kung tayo ay umibig sa Diyos at sa kapwa, hindi lamang natin tinupad ang banal na utos,  atin din binigyan ng buhay ang banal na kautusan.

Pagmamahal sa kapwa ay pagtupad sa kautusan ng Diyos!

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________