
Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman [John 1:1-5].
Ang Pasko ay pagdiriwang ng liwanag ni Kristo. Maganda tuwing Pasko napupuno ng iba’t ibang ilaw ang mga lansangan, ang ating mga tahanan. Natutuwa tayo sa liwanag. Si Kristo ang ating tunay na liwanag. At bilang tumanggap ng liwanag, tayo ay tinawag na maging liwanag sa ating kapwa. Marami sa ating mga kababayan na nabubuhay sa kadiliman, ikaw Kristiyano magbigay ka ng liwanag, ipakita mo si Kristo sa iyong pamumuhay.
Sa pamagitan ng ating pagmamahal at paglilingkod sa kapwa maipakita natin ang liwanag ni Kristo. Ipasa mo ang liwanag ni Kristo. Ang tapat na pamumuhay ay pagbibigay ng liwanag sa ating pamayanan. Ipagdasal natin ang ating mga lider ng ating pamahalaan nawa’y maging tapat sila sa kanilang tungkulin para may liwanag naman ang bukas ng ating bansa. Nawalan na tayo ng pag-asa dahil ang mga inaasahan natin ay sila pa ang dahilan bakit nababalot tayo ng kadiliman. Si Kristo ang ating tunay na pag-asa, nandito na Siya upang bigyan tayo ng liwanag. Liwanag na magbukas ng ating mga mata at puso upang makita natin ang pagmamahal ni Kristo.
Ang Pasko ay pagdiriwang ng pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan. At ang pagmamahal ng Diyos ay hindi natatapos sa Pasko. Sa kanyang pag-mimisyon ipinakita ni Hesus ang pagmamahal ng Diyos. Noong nasa kalbaryo si Hesus, ipinakita N’ya ang pag-ibig ng ating Amang nasa langit, inaalay ang kanyang bugtong na Anak upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan. Pagmamahal ang ibinigay ng Diyos sa sanlibutan, naway pagmamahal din ang ating ibigay kay Kristo.
Ang tunay na nagmamahal ay nagbibigay ligaya sa kapwa. Pass mo ang love ni Kristo sa kapwa mo! Dahil pag pinasa mo ang pagmamahal ni Kristo sa kapwa mo, may liwanag ang buhay mo.
Pass Ko ang Love ni Kristo sa’iyo! Maligayang Pasko!
Father Jay Flandez SVD