Panalanging nagpakumbaba!   

Panalanging nagpakumbaba!    

Ano ba ang pakikitungo o “attitude” mo kapag ikaw ay nananalangin?

Sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, tayo ay tinuturuan ni Hesus ang tamang pakikitungo kung tayo ay manalangin. 

Una, ay dapat meron tayong pusong marunong magpakumbaba. Ang Pariseo sa ating Ebanghelyo ay masyadong mapagmalaki sa kanyang sarili. Sabi niya sa kanyang panalangin, “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba—mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanglinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kung kinikita,”( Lc. 18: 11-12). Maganda ang mga ginagawa ng Pariseo. Dapat ganon ang buhay ng isang Kristiyano, sumunod sa batas ng Diyos, at tapat sa gawaing relihiyoso. Pero bakit hindi natuwa si Hesus sa kanyang panalangin? Dahil hindi ang Diyos ang kanyang pinupurihan, kundi ang kanyang sarili. Sa kanyang panalangin ang bida ay ang kanyang sarili. Kung tayo ay manalangin dapat ang bida si Kristo, hindi tayo. Lahat ay galing sa Diyos. Sa ating panalangin tinuturuan tayo ng Diyos ng magpakumbaba. Kung merong tayong pusong nagpa- kumbaba si Kristo ang ating tinataas. At ito ang tunay na panalangin. Ang kanyang panalangin ay ganito; “O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!”(Lc. 18:13). Tayo ay lumapit kay Hesus sa ating panalangin dahil alam natin tayo ay mahina at nagkakasala.

Si Hesus ang ating kalakasan. Si Hesus ang ating kaligtasan. Napansin nyo ba na tuwing tayo ay dadalo sa Banal na Misa, tayo ay humihingi muna ng tawad sa Diyos bago natin S’ya papurihan. Sanasabi o inawit natin ang, “Panginoon maawa ka, Kristo maawa ka, Panginoon maawa ka!” Sabi ni Hesus “Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”(Lc. 18:14). Walang tunay na panalangin kung hindi natin aminin ang ating kasalanan at ating kahinaan. Kilalanin natin na si Kristo ang ating kaligtasan.

Sa ating panalangin dapat nakapokus tayo sa Diyos. Iwasan mong tumingin sa ibang tao, o binabantayan mo ang mga kilos ng ibang tao, lalong lalo na pag dumalo ka ng Banal na Misa. May mga dumadalo ng Misa, nag titext pa, may nag-seselfie pa. Tandaan natin kung tayo ay nananalangin si Kristo ang bida, hindi tayo.

Nawa’y magbunga ng pakumbaba, pagmamahal at malasakit sa kapwa ang ating panalangin! Pusong nagpakumbaba na handang sumunod sa kalooban ng Diyos!

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________