
Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.”
Paano ba magpasan ng krus? At hanggang saan mo kayang buhatin? Anong krus ba ang pasan mo ngayon?
Sinasabi ni Hesus pasanin daw natin ang ating krus. Magbuhat. Magdala. Mag sakripisyo. Dito natin makikita na ang magbuhat ng Krus ay mag mahal. Ang magbuhat ng krus ay mag malasakit.
Una ay pagmamahal sa Diyos higit sa lahat. Una ang Diyos sa lahat ng bagay. Ang ating pamilya, kabuhayan at kahusayan ay pangalawa lamang dapat sa Maykapal.
Kasama sa pagbubuhat ng krus ay paghahanda sa ating buhay. Walang halaga ang lahat kung wala ang Diyos sa ating buhay. Walang silbi ang lahat ng ating kakayahan kung hindi natin ito gagamitin para sa ikabubiti ng ating kapwa. Sa harap ng Panginoon tayo ay tinatawag na isuko ang lahat sa kanya para makasunod sa kanya.
Sa pagpasan natin ng krus, tinatanggap natin ang paanyaya ni Hesus na magmahal at magmalasakit sa ating pamilya at kapwa. Ang pagpasan ng krus ay pagsunod sa kalooban ng Diyos na mabuhay sa kanyang pagibig. At ang taong nagmamahal kailangang maging handang masaktan. Ang pagpasan ng krus at hindi madali at tiyak na mabibigatan tayo. Pero sa bawat pagbuhat ng krus isipin natin lagi na kasama natin si Hesus sa paglalakabay. Pinagagaan nya ang ating mga dalang pagsubok. Magtiwala tayo sa Panginoon. Manalig tayo sa kanyang pagmamahal. Sumunod tayo sa kanyang tawag. Dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Father Arnold Abelardo CMF