Kapwa ko, Mahal ko!

Kapwa ko, Mahal ko!


 

Ang pagmamahal  sa Diyos ay hindi ganap kung hindi natin mahalin ang ating kapwa. Sa ating pagbasa sa Linggong ito may isang taong nagsusumikap na makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa banal na batas, lalong lalo na ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Tama ang kanyang hangarin na sundin ang banal na utos. Pero binigyan siya ni Hesus ng hamon, na ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal din sa kapwa. At ang pagmamahal sa kapwa ay ang pagtanggap at pagtulong sa mga nangangailangan.

Kung mahal natin ang Diyos, mahalin din natin ang ating kapwa. Ano man ang kanyang kultura, katayuan sa buhay, ano man ang kanyang paniniwala. Walang hadlang ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Hindi hadlang ang ating pagkamakasalanan sa pagmamahal ng Diyos sa atin. At ito ang itinituro ni Hesus sa atin, na ang ating pagmamahal sa kapwa ay walang kondisyon.

Ipinakita nito ni Hesus sa kwento sa ating ebanghelyo. May isang taong binugbog at halos patay na. Iniwan sa daan. May isang saserdote na dumaan at walang ginawang tulong sa biktima. 

May isang Levita naman dumaan at gayon din, walang tulong na ginawa para sa biktima. Itong mga saserdote at Levita ay mga relihiyoso. Palaging nagdadasal sa templo at nag-aayuno. Ang kanilang pananampalataya ay hanggang templo lamang. Paglabas sa templo wala ng pagmamahal sa kapwa, wala ng tulong para sa kapwa.

May isang Samaritano na nakakita sa biktima. Tinulungan niya ito at ipinagamot. 

At ito ang tanong ni Hesus sa tao, “Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan? Sumagot sya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Ibig sabihin ang Samaritano.

Ang pagmamahal sa Diyos ay dapat ating ipakita hindi lamang sa ating pagsamba sa kanya, kundi sa pamamagitan ng ating pagmamahal sa ating kapwa. Ang Kristiyanong pagmamahal ay hindi namimili kung sino lang ang mahalin at paglingkuran. Ang Kristiyanong pagmamahal ay nagmamahal sa mga taong nangangailangan. Tulad ng isang Samaritano na hindi nagdalawang isip na tumulong sa isang Hudio na malapit ng mawalan ng buhay.

Ang ating pagtulong sa kapwa ang nagbibigay buhay sa kanila. Sa ating pagtulong naramdaman nila na buhay si Hesus. At buhay ang ating pananampalataya kung tumulong tayo sa ating kapwa.

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


Ang tunay na Kristiyano ay handang maglingkod, magbigay ng kanyang oras at tulong para mapagaan ang buhay ng ating kapwa.

 

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________