Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain

Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain

Sa Misa, tayong lahat ay imbitado ni Hesus para mag salo salo. Kumpara sa mga handaan na napuntahan natin ang pagkakaiba nga lang, sa mesa o altar ay katawan at Dugo mismo ni Hesus ang hain nya. Ang sarili nyang buhay para sa ating kaligtasan at kabusugan na kailan man ay hindi na tayo magugutom. Sa ating pagtanggap at pagkain ng Katawan at Dugo ni Hesus sa Misa, tayo ay nagiging bahagi nya at ng kanyang misyon. 

Ang Miligro ng pagpaparami ng tinapay at isda na  nagpakain sa libo libong tao ay pagpapakita ng pagmamahal ni Hesus sa mga dukha. 

Sa mga apostol ni Hesus, bakit nga naman mag aabala sila sa dami ng tao kaya dapat pauwiin na lang. Pero maganda ang sagot ni Hesus, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Isang hamon ni Hesus sa kanyang mga alagad at sa ating lahat. Sa gitna ng kagutuman ng maraming tao, tayo ang magpakain. Sa mga nauuhaw, tayo ang magpainom. Sa mga homeless walang matuluyan, tayo ang tumanggap. 

Sa mga maysakit at bilanggo, tayo ang dumalaw. Sa mga nalulungkot, tayo ang magpasaya. At sa mga hirap na hirap sa buhay, tayo mismo ang tumulong at magbigay ng pagasa at pagmamahal. Yan ang halimbawa ni Hesus sa atin. Yan ang puso ng Corpus Christi, ang pagbibigay ni Hesus mismo ng kanyang sarili sa ating lahat. At tayo ay tinatawag ni Hesus na ibigay rin natin ang ating buhay at sarili para sa kabutihan ng ating kapwa. 

Hindi naman siguro kailangang mapakain natin ang limang libong katao. Pero kahit isa o dalawa ay mapakain natin ay malaking biyaya na iyon bilang pagtugon kay Hesus na “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.”Tayo mismo. Ikaw at ako may magagawa tayo para sa ating kapwa na nangangailangan. Huwag tayong tatalikod. Magpakain tayo ng ating kapwa na nagugutom at salat sa buhay.  Sa gayon ang pagtanggap natin ng Katawan at Dugo ni Kristo sa Misa ay mas magiging makabuluhan. 

Katawan ni Kristo. Amen.  Tara po pakainin natin ang mga nagugutom sa ating komunidad at sa ating sariling pamilya at kapitbahay. Patnubayan tayo ni Hesus at tulungang maging bukas palad.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________