Pagmamahal ng Ama

Pagmamahal ng Ama

Ang pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak ay hindi mawawala. Maraming mga magulang na nagsasakripisyo para lamang sa kanilang mga anak. Tulad na lamang ng mga OFW dito sa Hongkong at sa ibang sulok sa mundo, pag tanungin mo sila kung bakit sila nandito, ang karamihang sagot ay dahil sa kanilang mga anak, para sa pamilya. Handang magsakripisyo ang isang magulang para lamang sa kanilang mga anak.

Ang ating Amang nasa langit ay nagsakripisyo upang bigyan tayo ng Kristo, ng isang mangliligtas. Ang ating ebanghelyo sa Linggong ito ay tungkol sa kwento ng isang Ama na sobrang mahal ang kanyang anak. Kinuha ng bunsong anak ang kanyang kaparte ng kayamanan ng kanyang Ama. Umalis at nilustay ang kayamanan. Naubos at nawala ang lahat sa kanya. At sa kanyang kawalan dito niya naunawaan kung gaano kahalaga ang kanyang Ama. Sinabi sa pagbasa; “Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain—at  lumalabis  pasamantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at
sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.” 

Kung tatalikuran natin ang ating Amang nasa langit hindi natin makakamit ang ating tagumpay. Siya lamang ang ating gabay upang hindi tayo mawalay sa  pamumuhay na maghahatid sa atin ng tunay na kaligayahan, kasaganaan at kalayaan. Ang bunsong anak ay naging makamundo, gustong humiwalay sa kanyang Ama. At dahil ayaw ng gabay ng kanyang Ama lahat sa kanya ay nawawala. 

Kailangan natin ng gabay sa buhay. Si Kristo ay pumarito para tayo ay gabayan. Mabuti man o makasalanan kailangan natin si Kristo ang ating tunay na gabay. Ang panganay na anak ay kailangan din ng gabay. 

Noong nalaman niya na bumalik ang kanyang bunsong kapatid, galit na galit siya. “Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya.” Ang Ama ang nagbigay sa kanya ng gabay upang matanggap ang kanyang bunsong kapatid.

Nawa’y maging bukas tayo sa gabay ng ating Ama upang meron tayong pagkakaisa at pagpapatawaran. 

Sa gabay ng ating Ama nawa’y matanggap natin ang bawat isa, tulungan ang mahihina at gabayan natin ang nawawala upang may pagkakaisa ang bawat pamilya at komunidad.

Tularan natin ang pagmamahal ng ating Amang nasa langit, upang maranasan nila, na si Kristo ay buhay sa ating pamumuhay.

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________