
Noong nag-aaral pa ako ng Teolohiya, tuwing Sabado at Linggo kami po ay nag-aapostolate. Yung ibang kong kaklase ay naka-talaga sa parokya, sila’y tumulong sa gawain ng simbahan, yung iba naman ay naka-assign sa mga batang lansangan o street children, at ako nama’y naka-assign sa isang “drug rehabilation centre.”
May mga spiritual activities kami, gaya ng bible sharing, catechesis, counselling at iba pang liturgical activities. At sa aking pakikipag-usap sa kanila ang palagi nilang binabanggit na salita ay pagsisisi. Nagsisi dahil nasira ang pamilya dahil sa droga, nagsisi dahil nawasak ang kinabukasan, nagsisi dahil naubos ang kayamanan sa druga.
Ano ba ang tunay na pagsisisi? Ang pagsisisi ay hindi lamang emosyon bagkus ito’y mag uudyok sa atin na talikuran ang kasamaan. Nagsisisi ang tao dahil alam niya na mali ang kanyang ginawa. Alam niya na sinira niya ang kanyang relasyon sa Diyos at sa kapwa. At kung alam natin ang mali, babaguhin natin ang ating pamamaraan sa ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa at sa ating Diyos. Samakatuwid, ang tunay na pagsisisi ay mag udyok sa atin ng tunay na pagbabago.
Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito, “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tinignan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita.
Kaya’t sinabi niya sa tagapagalaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang mga palibot at lalagyan ng paraba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!”’ (Lucas 13:6-9).
Ang pagsisisi ay isang pagpapakita na handa tayong magbago, handa tayong talikuran ang kasamaan at sundan si Hesus para makamit natin ang ating tunay na kalayaan at kaligtasan. Ang ebanghelyo ay nagpaalala sa atin, na lahat tayo ay may pagkakataon na magbago, lahat tayo ay may “second chance” na talikuran ang kasamaan at yakapin ang tama.
Ang ating Diyos ay maawain at mapagpatawad, handa siyang tanggapin tayo muli para mamuhay nang mapayapa. Hindi magsasawa ang Diyos sa kanyang pagpapatawad sa atin. Wag lang nating sayangin ang panahon na mamuhay na naayon sa kalooban ng Diyos. Wag mong sabihin, sa sunod na taon na ako magbago, bata pa naman ako. Wag mong sayangin ang iyong panahon na mamuhay kasama ang Diyos. Kung ika’y matanda na, wala ka nang lakas na maibigay para sa paglilingkod sa Diyos.
Habang may lakas ka pa, gamitin mo ‘yan para sa paglilingkod sa Diyos. Kasi pag “senior citizen” ka na, ikaw na ang paglilingkuran at wala ka nang panahon at lakas na paglingkuran mo ang Diyos.
Mga kapatid sa ikatlong Linggo ng Kuwaresma tayo ay pinaalalahanan, na ang tunay na pagsisisi ay mag uudyok sa atin sa tunay na pagbabago.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
Ang ating pagbabago ay isang pasasalamat sa Diyos, na tayo’y pinatawad, minahal sa kabila ng ating pagkakasala. Nawa’y gabayan tayo ng Banal na Espiritu Santo na tumalikod sa kasalanan, pagsisihan ang kasalanan at sikaping magbago para sa kapurihan ng Diyos.
• Father Jay Flandez SVD