Tunay na paninindigan

Tunay na paninindigan

Isang kahanga-hangang katangian ng isang tao ay ang pagkakaroon ng paninindigan.  Sa pamamagitan nito ay kanyang naipakikita ang kahalagahan ng kanyang mithi sa buhay.  Hindi siya madaling panghinaan ng loob at matibay ang kanyang disposisyon sa buhay.  Kalimitang nagiging matagumpay at tunay na lider ang isang taong may ganitong katangian. 

Sa ating mga pagbasa ngayon maririnig natin kung paanong hinirang ng Diyos si Jeremias at si Hesus upang maging mga tagapagpahayag ng kanyang salita.  Parehong katangi-tangi ang dalawang nabanggit at sa magkatulad na mapanuring mga taong nakapaligid sa kanila ay kanilang ipinahayag ang diwa ng Diyos.  Sama-sama tayong magnilay sa mga nasaad tungkol kay Jeremias at Hesus ngayong Linggong ito.

Una ay si propeta Jeremias. Siya ay hinirang ng Diyos upang maging propeta ng mga bansa.  Sinambit pa niya na bago pa man siya mabuo sa sinapupunan ng kanyang Ama ay kilala na siya ng Maykapal at bago mailuwal ay hinirang na siya. 

Tunay ngang katangi-tangi ang kanyang pagkatao.  At sa paghirang sa kanya ng Diyos ay haharapin niya hindi lamang mga pangkaraniwang tao kung hindi ang mga hari, prinsipe, mga pari. 

Magkakaroon ng pagtutol subalit hindi sila magtatagumpay laban kay Jeremias.  Hindi madali ang magpahayag sa mga taong may kakayanan upang magpasya tungkol sa iyong buhay.  Ang lahat ng ito ay sinuong ni propeta Jeremias. 

Ang kanyang naging sanggalang ay ang Diyos na siyang nagpatibay ng kanyang paninindigang mag-pahayag.

Pangalawa ay ang ating Panginoong Hesus.  Noong una ay namangha ang mga tao nang kanyang basahin ang aklat ni propeta Isaias na nagpapahayag ng balakin ng Diyos at misyon ng Mesias.  Subalit ng kanyang ipamukha sa mga nakikinig ang kanilang kawalan ng pananampalataya ay sinimulan ng mga ito na siyasatin ang pagkatao ni Hesus. 

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


At dahil sa kanyang mapaghamong pagpapahayag ay ninais nilang patayin ang ating Panginoon.  Subalit hindi siya natinag at patuloy na lumakad sa gitna nila.  Kahalintulad ng nangyari kay Jeremias sa unang pagbasa, kinaharap ni Hesus ang mga taong may kapangyarihan at ganon din ang mga mamayang puspos ng poot sapagkat hindi nila matanggap ang mga tinuran ng Diyos. 

Hindi nagpagapi si Hesus sa pangambang kikitilin ang kanyang buhay.  Patuloy niyang pinanindigan ang kanyang layuning magpahayag sapagkat ito ang dahilan kung bakit siya sinugo ng Ama.  Kanyang ipinahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa lahat.

Sila ang dalawang nilalang sa ating mga pagbasa ngayong Linggo na nagpakita ng matibay na paninindigan ng sa gayon ay kanilang magampanan ang misyon na sa kanila ay iniatas ng Diyos.  

Tayo man ay tinatawagan din upang ipahayag ang salita at ibahagi ang ating pananampalataya higit sa lahat ay sa lipunan na ating ginagalawan.  

Pinapaalalahanan tayo ng Diyos na maging isang tunay na Kristiyanong nakahanda upang ipahayag at ipaglaban ang ating pinaniniwalaan.  

Paulit-ulit nating naririnig na ang mundo ay puno ng pagsubok mula sa mga taong nais igupo ang ating pananampalataya at ang buhay na naayon sa kagustuhan ng Diyos.  Matulad nawa tayo kay Jeremias at kay Hesus na may tunay na paninindigan.

Father Alfredo Rollon SVD

___________________________________________________________________________