
Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya’y makapangyarihan kaysa akin, at ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak.” (Lc.3:16). Ang binyag ay daan para tayo ay maging mga anak ng Diyos, maging kasapi sa kanyang kahariaan at makibahagi sa pagmimisyon ng ating Simbahan.
“Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” (Lc. 3:22). Sa binyag tayo din ay naging Anak ng Diyos. Binago tayo sa pagtanggap ng Sakramento ng Binyag. Pinatawad, nilinis ang kasalanan upang mamuhay para sa kabanalan. Kung tayo ay anak ng Diyos, dapat ang ating mga kilos ay maka-Diyos. Maraming tumanggap ng binyag na hindi naman maka-Diyos ang kanilang pamumuhay. Nananatiling makasarili at makamundo.
Hindi ito ang ugali o kilos ng isang anak ng Diyos. Pero ang Diyos ay mapagmahal, Siya ang ating Ama, handa parin S’ya na samahan tayo at mabago ang buhay natin, dahil tayo ay anak N’ya. Ang makamundong pamumuhay ay isang paraang paghihiwalay sa atin, bilang kasapi ng pamilya ng Diyos.
Ang iniisip ng isang makamundong tao ay ang kanyang sarili hindi ang kalooban ng Diyos. Sa pagdiriwang ng dakilang Kapistahan sa Pagbibinyang ng Panginoon tayo ay pina-alalahanan na sa Diyos lamang ang kaganapan ng ating buhay.
Dahil sa binyag tayo ay naging kasapi ng Simbahan, naging pamilya ng Diyos. At bilang kasapi ng Simbahan meron tayong katungkulan bawat isa sa atin. Dahil tayo ay magkakapatid kay Kristo. May obligasyon ka sa kapwa mo. Ang pagtutulungan ay isang katangian ng isang anak ng Diyos. Ipinakita natin ang ating katangian noong nangangailan ang ating mga kababayan ng tulong dahil sila ay nasalanta ng bagyo. At bilang kasapi ng Simbahan hindi maiiwasan ang hindi pagkaka-unawaan. Huwag mong talikuran ang iyong pamayanan kung may hindi pagkakaintindihan dahil ang presensya mo ay mahalaga upang tumulong kung paano magkakasundo bawat isa sa ating pamayanan. Tandaan natin, na ang paglalago ng ating Kristiyanong pamumuhay at sa pananaliti ng ating pamayanan.
At ang pagtanggap ng binyag ay hindi lamang maging anak ng Diyos, maging kasapi ng Simbahan, ang binyagan ay tinawag upang makilahok ng misyon ng Simbahan. Ang isang binyagan ay isang misyonero. Hindi maging ganap ang ating pagtanggap ng binyag kung hindi tayo makilahok sa pagmimisyong ng ating Simbahan.
Salamat sa Sakramento ng Binyag, tayo ay naging Anak ng Diyos, naging pamilya ng Diyos at nagmimisyong maka-Diyos.
• Father Jay Flandez SVD