
Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at pag-lalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.” (Lc. 21:34-36).
Nasa panahon na tayo ng adbiyento. Panahon sa paghahanda. Anong paghahanda? Paghahanda sa buhay natin sa pagdating ng
Panginoon. Dahil ang buhay natin sa mundong ito ay pansamantala lamang.
Ang unang pagdating ng Panginoon ay ang kanyang pagkatawang tao. Ito ang ating ipadiriwang sa Pasko, naging “Emmanuel”, naging kasama natin ang Diyos. Sinasamahan tayo para turuan tungo sa kanyang kaharian, dahil si Kristo ang daan, katoohan
at ang buhay. Ang Pasko ay ang pag-alala sa kanyang pagdating bilang isa sa atin, liban lamang sa kasalanan. Naghahanda Tayo para sa kanyang kapanganakan. Nagalak tayo dahil kasama na natin ang Diyos. Pero, may ikalawang kahulugan ang Adbiyento, ang paghahanda natin sa ating puso. Ito ang paghahanda sa kanyang muling pagbalik. At ito ay nakakatakot dahil ang kanyang muling pagbalik S’ya ay ang ating Hukom. Kung sa unang pagdating N’ya, S’ya ay ang ating mangliligtas, sa kalawa S’ya ang ating Hukom.
Pinaalalahan tayo sa ating pag-basa; “Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.” Hindi natin alam kung kailan darating ang Panginoon. Dapat maging handa tayo. Paano? Kung isasabuhay natin ang ating pangako sa binyag, kung tayo ay namumuhay bilang tunay na Kristiyano, ito ay ang paghahanda sa kanyang muling pagdating. Ang buhay Kristiyano ay ang paghahanda sa muling pagbalik ni Kristo. Kung ating pagmasdan tuwing panahon ng Adbiyento, parang hindi tayo naghahanda sa ating espiritwal na pamumuhay. Naka-focus tayo sa mga materyal na paghahanda. Hindi masama na magpapadala tayo ng mga pang-
regalo sa ating mga mahal sa buhay, sa mga kaibigan, pero sana, atin din paghandaan ang ating espiritwal na pamumuhay. Ito ang tunay na diwa ng Adbiyento, ang paghahanda ng ating puso upang may tunay na pagbibigayan.
Ibinigay ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak dahil sa pagmamahal sa atin. Ito ang ating paghandaan ang pagbibigay ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapatawad at pagkakaisa. Malayo pa ang eleksyon pero nagkahati-hati na tayo. Paano natin maipagdiwang ang Pasko kung walang pagkaka-isa.
Nawa’y si Kristo ang maghari sapuso natin upang lagi tayong handa.
• Father Jay Flandez SVD