
Paano ka ba magmahal, todong todo ba? At paano ka ba magbigay, buo ba? Magandang pagnilayan ang kwento ni Hesus tungkol sa babaeng balo. Halimbawa sya ng kagandahan at kababaang loob. Ang pagkilala ng pananampalataya at pagmamahal nya sa Diyos ay todong todo at buo. Wala syang pasubali o pag-aalinlangan. Ibinigay nya ang lahat sa gitna ng kanyang karukhaan. Nanduon kasi ang pagtitiwala ng aleng balo na lahat ay mula sa Diyos at sya ang mag provide at magbalik ng ating pangangailangan. Imagine si Hesus muna naka observe kung paanong magbigay ang mayaman, yung halos sobra at di nya na kailangan. Samantalang ang aleng balo eh lahat ibinigay nya. Yung natitira nyang dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Minsan mapapaisip ka talaga na ang mga dukha sila pa ang mas madaling magbigay. Tulad ng mga OFWs, halos lahat ng kita pinadadala sa pamilya.
Halos lahat ng pagkain at gamit gustong ilagay sa balikbayan at ipadala sa mga mahal sa buhay. Di ba minsan pa nga isusubo na lang natin ibibigay pa sa anak o asawa para lang man maging maayos sila.
Tayo ay tinatawag ni Hesus na maging bukas palad at mapagbigay. Huwag daw natin gayahin ang mga eskriba at pariseo na plastic sa kanilang pananampalataya. Maging bukas at totoo daw tayo sa ating buhay pananampalataya. Maging mababa ang loob at magmahal ng tapat at buo.
Naway maialay natin sa Diyos ng buong buo ang ating puso at buhay para maging instrumento nya sa kabutihan dito sa mundo. Naway matuto tayong magbigay ng buo at tama.
Huwag tayong matakot o mag alinlangan. Mag tiwala tayo sa Diyos. Lahat ay mula sa Diyos. Matuto tayong magbalik at magbigay sa kanya ng lahat mula sa ating puso. Ang Diyos naman kailanman ay hindi tayo pababayaan.
Father Arnold Abelardo CMF