Paglimot sa sarili para kay Kristo!

Paglimot sa sarili para kay Kristo!

Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.” (Mc. 8:34-35).

Ang unang kondisyong kung tayo ay sumunod  kay Kristo ay ang paglimot ukol sa kanyang sarili. Bakit? Dahil ang sarili ay hadlang sa pagtupad sa kalooban ng Diyos. Tulad ni Pedro na pinagsabihan si Hesus na hindi mangyari na maghirap siya sa kamay ng mga matatanda, at ipako sa krus. Pero ano ang sabi ni Hesus kay Pedro; “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Hindi iniisip ni Hesus ang kanyang sariling kagustuhan kundi ang kalooban ng kanyang Ama. Hindi madali sundin ang kalooban ng Ama, pero ito ang magbibigay ng kapayapaan sa buhay natin. Ang pag-aalay ng ating sarili sa Diyos ang magbibigay ng tunay na kapayapaan at kaligayahan. 

Ang tunay na sumunod kay Kristo ay yaong taong sumunod sa kanyang kalooban. Hindi ang sariling kagustuhan ang masunod. Hindi lamang sumunod tayo dahil tumanggap tayo ng binyag. Ang tunay na taga-sunod kay Kristo ay yung nilimot ang sarili para si Kristo na ang sarili nila. At kung si Kristo na ang sarili natin, makakayanan natin ang pagpasan ng krus. Dahil si Kristo na ang ating kalakasan, S’ya na ang ating buhay.

Ang paglimot ng sariling buhay alang-alang kay Kristo at sa Mabuting Balita ay nagbibigay sa atin ng tunay na buhay. Pina-alalahan at hinamon tayo ni Kristo, na hindi tayo maging makasarili, bagkus maging bukas tayo para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Ang tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi sigurista, na sarili ang inuuna kundi ang kalooban ng ating Amang nasa langit. 

Karamihan ng mga OFWs ay nagsakripisyo para sa kanilang mga mahal sa buhay. Kinaya ang hirap at pagod sa trabaho para lamang matulungan, at masuportahan ang kanilang mga mahal sa buhay. Nilimot na ang sarili para lamang sa kanilang mga mahal sa buhay. Kung nagawa natin na nilimot ang sarili para sa ating pamilya, dapat ganon at higitan pa natin ang pagmamahal at paglilingkod natin para kay Kristo. Ang nagmahal kay Kristo ay handang magbibigay buhay, handang maglingkod kay Kristo

Bilang mga tagasunod ni Kristo, atin S’yang ipakilala sa pamamagitan ng ating pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Ang Kristiyanong pag-ibig ay hindi nakasentro sa sarili kundi, naka sentro kay Kristo at sa paglilingkod sa kapwa.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________