Tinapay na nagbibigay buhay!

Tinapay na nagbibigay buhay!

Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay.” (Jn. 6:47-48). Si Hesus ang pagkain na nagbibigay buhay. Saan natin matatanggap ang pagkaing ito? Sa Banal na Eukaristiya. “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan,” wika N’ya. Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong  mabubuhos dahil sa marami…” (Mc. 14:22, 24.) Mahalaga ang pagdalo ng Banal na Misa dahil dito natin matagpuan at matanggap ang pagkaing nagbibigay buhay. 

Bilang mga OFWs, mahirap ang buhay natin na malayo sa ating pamilya. May panahon na nalulungkot tayo, na-mimiss natin ang ating mga mahal sa buhay. Pero magpasalamat tayo dahil may Diyos tayo na nagbibigay buhay. Sa pamamagitan ng pagdalo ng Banal na Misa tayo ay tumanggap ng magandang biyaya ng Diyos ang kanyang Banal na Katawan. At ito ay may pangako pa, sabi ni Hesus; “Ang sinumang kumain ng pagkaing bumaba mula sa langit ay hindi mamamatay. At sabi pa ni Hesus; “Ako ang pagkaing nagbibigay buhay…” (Jn. 6: 48)

Dahil sa pandemya mahirap na magkakatipon-tipon, pahirapan ang pag-uwi sa atin. Para bang nadidiskonek tayo sa ating mga kaibigan at mahal sa buhay. Salamat
kay Kristo dahil sa Banal ng Eukaristiya tayo ay naging isang katawan ni Kristo. Pinag-isa tayo sa Banal na Eukaristiya. Ito ang hamon natin bilang tumanggap sa katawan ni Kristo na maging isa tayo. Hindi kalooban ng Diyos na magkawatak-watak ang kanyang katawan. Hindi kalooban ng Diyos na magkawatak-watak ang pamilya ni Kristo. Ang pagkakahiwalay ng pamilya ay dahil lumayo na tayo kay Kristo, nakalimutan na natin tanggapin si S’ya sa Banal na Misa.

Ang simumang tumatanggap kay Kristo ay may misyon na magbibigay buhay din sa kapwa. Ang Eukaristiya ay pagbibigay buhay. Naging instrumento tayo ni Kristo para magbibigay buhay lalaong-lalo sa panahon ng pandemya. 

Si Kristo ang nagbibigay buhay. Kung tayo ay sumunod kay Kristo magkakaroon ng direksyon ang ating buhay. Akala natin pag may mga matinding pagsubok ang ating buhay, wala ng halaga ang ating buhay. Tandaan natin tulad ni Kristo, S’ya din ay humarap ng malaking pagsubok ng kanyang buhay. Tinanggap N’ya at nag-wagi si Kristo dahil may buhay ang sinumang sumunod sa kalooban ng Ama. Ang Banal na Eukaristiya ang nagbibigay buhay sa ating para patuloy tayo sa ating paglalakbay tungo sa kaharian ng Diyos.

Tandaan natin pag tayo ay tumanggap ng tinapay ng buhay, tayo ay may misyong magbibigay buhay.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________