Manalig kay Kristo!

Manalig kay Kristo!

Anak, pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin. Umuwi ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban. Lubusan ka nang magaling sa iyong karamdaman.” (Mc. 5: 34). 

Pananampalataya ang nagpapagaling sa babaeng nagdusa ng labingdalawang tao sa kanyang ka-ramdaman. Naubos na ang kanyang kayamanan sa pagpapagamot at hindi man lamang bumuti ang kanyang kalagayan, bagkus lalong lumubha ang kanyang karamdaman. Hindi lahat ay pera ang solusyon ng ating problema. Tulad ng babaeng ito, naubos na ang kanyang naiipong pera sa pagpapagamot, at walang wala na siya. Hindi s’ya nawalan ng pag-asa at ito’y nakipagsisikan sa mga tao upang makita at mahipo si Kristo. Sabi ng babae; “mahipo ko lang ang
kanyang damit ay gagaling na ako. At biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.”(Mc. 5: 28-29).

Hindi lahat ay pera ang solusyon ng ating mga problema. Ang pana-nalig kay Kristo ang maging daan upang makilala natin at matuklasan natin na meron tayo kakayahan na harapin ang ating mga pagsubok sa buhay. Tulad ni Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga, mayaman at  makapangyarihan. Siya’y nagpakumbaba at lumapit kay Kristo para sa kanyang anak na lubhang may sakit. “Agaw buhay po ang anak kong dalagita. Kung maari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya’y gumaling at mabuhay.” (Mc. 5: 23). Siya’y nagpakumbaba at lumapit kay Kristo.

Ang tunay na pananampalataya ay marunong magpakumbaba. Ang pagkamakasarili ay natunaw at napalitan ng pakumbaba at pagkilala sa kapangyarihan ni Kristo. Dahil sa kanilang pagkumbaba at pananalig kay Kristo natanggap nila ang kagalingan at buhay. Buhay na puno ng pananalig kay Kristo.

Magka-iba ang kwento ng dalawa, pero ito ay kwento ng panananampalaya. Si Jairo ay walang karamdaman, walang pangangailangan, pero lumapit S’ya kay Kristo hindi para sa kanya, kundi para sa kanyang anak. Sa pamamagitan ni Jairo nabuhay muli ang kanyang anak. Ang kwento ni Jairo ay nagpa-alaala sa atin; na sa pamamagitan ng ating pagdadasal para sa iba ito ay pakinggan ni Kristo kung tayo ay may pusong nagpakumbaba at na-nalig sa kapangyarihan ni Kristo. 

Kung tayo ay manalangin huwag lang idulog kay Kristo ang sarili mo, isama mo rin ang mga taong nangangailangan ng ating tulong. Hindi man tayo makapag-bigay na materyal na bagay, pero sa pamamagitan ng ating dasal at pananalig kay Kristo, ito ang pinakamahusay na pamamaraan upang makatulong tayo sa ating kapwa. Ang pagdadasal para sa iba ay pamamaraan upang maging isa tayo sa diwa bilang mga Kristiyano at magkakapatid kay Kristo. 

Bilang mga OFW (Overseas Filipino Workers), manalig tayo kay  Kristo na ating gabay sa ating paglalakbay at ang ating lakas sa ating paghahanap buhay.

• Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________