Ang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo

Ang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo

Kumain ka na ba? Normal nating tinatanong ito sa sinumang bumibisita sa iyong bahay. Isang paraan ng pagpapahalaga sa kapwa. Tayong mga Pilipino daw ay mahilig sa kainan at fiesta. Halos lahat ng ating pagtitipon ay di pwedeng matapos ng walang kainan. 

Sa mga OFWs natin tuwing day off nila magtitipon sa parke o bahay ng kaibigan at duon pagsasaluhan ang pot lock o pagkaing dala at magkakaroon na ng pagsasalo. 

Sa Ebanghelyo ni Marcos, isang salo salo ang naganap. At si Hesus ang nasa gitna ng hapag kainan. Ang mahiwaga sa pagsasalo na ito ay walang dala ang mga kasama ni Hesus. Dahil sa Altar o Banal na Mesa ang hain ni Hesus ay ang kanyang sariling buhay. Ang Katawan at Dugo nya mismo para sa ating kaligtasan. Kumpara sa pagkaing nasisira o napapanis, ang tinapay at alak na hain ni Hesus ay sya mismo na ating tinatanggap sa Banal na Misa. Milagro ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin lahat. Ang sabi ni Hesus kunin natin at kanin ang kanyang katawan at inumin natin ang kanyang dugo para sa ating kaligtasan. 

Bawat Misa ay pasasalamat sa Banal na Alay ni Hesus sa atin. Sa Communion ay tinatanggap natin mismo ang Katawan at Dugo ni Hesus. At sa bawat pagkain natin sa Katawan at Dugo ni Hesus, tayo at nagiging bahagi ng kanyang Buhay at Kailgtasan. Dahil si Hesus ang Tinapay ng Buhay na bigay ng Diyos Ama sa ating lahat. Purihin natin ang Panginoon sa biyaya na kanyang handog sa atin. 

Ang Tinapay na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 

Pero ang maganda sa ating mga Pilipino eh ganito. Pagkatapos ng Misa, tuloy ang Fiesta sa Mesa para sa salo salo at kwentuhan. 

Nawa’y huwag natin kalimutan sa panalangin at pagkawanggawa ang mga mahihirap na naapektuhan ngayon ng pandemya. Ibahagi natin si Hesus sa kanila. At ibahagi natin ang anumang meron tayo ayon sa ating kaya at mula as ating mga puso.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________