
Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo. Pagkatapos, sila’y hi-ningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espritu Santo.” (Jn. 20:21-22).
Ang Linggo ng Pentekostes ay ang Kaarawan ng ating Simbahan. Ang banal na Espiritu Santo ang naging gabay ng ating kapatiran. Si Hesus ang pundasyon ng ating Simbahan at hindi tayo N’ya iniwan sa pamamagitan ng gabay ng Banal na Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tayo ay kanyang binigyan ng lakas upang ipagpatuloy ang misyon ng Simbahan, ang pagpapalaganap ng kapayapaan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.
Bawat kasapi ng Simbahan ay may misyon, ang pagpalaganap ng Ma-buting Balita upang magkaroon ng kapayapaan ang ating pamilya, ang ating bayan at ang buong sanlibutan. Ibig sabihin nito meron tayong tungkulin na magbasa at mag-aral ng Bibliya upang ating maibahagi ang Salita ng Diyos. Paano natin maibahagi ang Salita ng Diyos kung hindi natin alam ang kanyang salita? Kung ating isabuhay ang Salita ng Diyos ito ang magbibigay sa atin ng kapayapaan at direksyon sa ating buhay. Bilang kasapi ng Simbahan nawa’y maging sentro ang Salita ng Diyos sa buhay natin.
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Sa pamamagitan ng pagtanggap natin ng sakramento, tinanggap natin ang Banal na Espiritu Santo. Ang Sakramento ang nagbibigay lakas sa ating buhay bilang kasapi ng Simbahan. Mahalaga na dumalo tayo sa Banal na Misa. Dahil ang Eukaristiya ang nagpapalakas sa ating pamumuhay Espiritwal. Tuwing dumalo tayo ng Banal na Misa, natanggap natin ang grasya ng Panginoon. Puno ng kapayapaan ang puso natin, at misyon natin na ibahagi ang kapayapaan sa ating kapwa. Paano ba natin makamtan ang kapayapaan ni Kristo? Ang pagtatalaga ng ating buhay para sa paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan ang magbibigay sa atin ng tunay na kapayapaan.
Kung ang Banal na Espiritu Santo ang nagbibigay ng lakas sa ating paglalakbay, gamitin natin ang lakas na ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan. Ating alalahanin na ipinagdiriwang natin sa ating bansa ang 500 years of Christianity sa taong ito. Ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya at ang paglilingkod sa ating kapwa ang tunay na pagdiriwang ng ating pananampalataya. Ang paglilingkod sa Diyos at kapwa ay nagbibigay ng tunay na kapayapaan sa buhay natin.
Misyon natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Salita ng Diyos at paglilingkod sa kapwa!
• Father Jay Flandez SVD