Hesus, ang Mabuting Pastol!

Hesus, ang Mabuting Pastol!

Ako ang Mabuting Pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.” (Jn. 10:11). Si Hesus ang ating mabuting pastol. Ang pagmamahal ni Hesus sa atin ay dakila, dahil ibinigay N’ya ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Si Hesus ang daan tungo sa kaharian ng Ama. Ginagabayan tayo ni Hesus sa ating paglalakbay upang hindi tayo mawawala sa daan tungo sa masaganang buhay, sa kanyang kaharian. Ang mahalaga ay makinig tayo sa kanya upang hindi tayo mawawala sa daan patungo sa kanyang kaharian. 

Marami sa ating mga kababayan ay nawawala na sa kanilang landas, sa kanilang hangarin, dahil hindi na sila nakikinig sa kanilang konsensya. Naging manhid na ang kanilang mga puso sa tama at katotohanan. At bakit? Dahil hindi na sila lumalapit kay Hesus ang ating mabuting pastol. 

Hindi na sila nakikinig sa ating Mabuting Pastol, sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay ng salita ng Diyos. 

Kung hindi tayo sumusunod sa ating Mabuting Pastol mawawala tayo sa ating paglalakbay dahil sa kanya lamang ang tamang daan tungo sa ating tagumpay at kaluwalhatian.

Dahil sumunod tayo kay Kristo ang ating Mabuting Pastol, tayo rin ay hinamon na maging mabuting Kristiyano. Ang ating pagsisikap na maging mabuti at tapat na Kristiyano ay pagbibigay inspirasyon sa ating kapwa. Sa ating Kristiyanong pamumuhay nawa’y maging inspirasyon  tayo sa iba na gumawa ng mabuti para sa Diyos at sa kapwa. Tuluran natin si Hesus, ang Mabuting Pastol na nagbibigay buhay sa mga “nawawala” sa ating lipunan. Ang Mabuting Pastol ay handang magsakripisyo para sa ibang tao.

Handa ka ba magsakripisyo para sa ibang tao? Handa ka ba na magsakrispisyo para sa kaharian ni Kristo? Ito ang isang katangian na taga-sunod ng Mabuting Pastol. Nakita natin kung paano nagsakripisyo si Hesus para sa ating kaligtasan, nawa’y ito ang magbigay lakas upang tayo rin ay magsakripisyo para sa Diyos at sa ating kapwa. 

Handang humarap ang mabuting pastol sa panganib, maprotektahan lamang N’ya ang kanyang mga tupa. Ikaw, handa ka ba protektahan ang iyong pananampalataya? Kaya mo bang protektahan ang iyong pamilya? Ang buhay ng isang Kristiyano ang buhay na handang mag-alay para sa Diyos. Si Hesus ay nag-alay ng kanyang buhay para sa atin. Ibinigay N’ya ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Dahil si Hesus ang ating Mabuting Pastol.

Ang pagbibigay buhay para sa kapwa ay daan para sa ating kaluwalhatian at kaligtasan. Tularan natin si Kristo ang ating Mabuting Pastol.

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________