
Samantalang naglalakad si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simeon at Andres na naghahagis ng lambat. Sila’y nangingisda. Sinabi ni Hesus, “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamamalakaya ng tao.” Padaka’y iniwan nila ang kanilang lambat, at sumunod sa kanya.” (Mc. 1:16-18).
Kung sumunod tayo kay Kristo babaguhin tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Tulad ng magkapatid na mangingisda, sila ay pinangakuan ni Hesus na gagawin silang mamamalakaya ng tao. Kung tayo ay maging masunurin sa Diyos may mga pagbabago at babaguhin ni Hesus ang buhay natin. Kung ang magkapatid ay hindi sumunod kay Hesus, walang pagbabago sa buhay nila. Ito ang hamon sa buhay natin, nawa’y maging masunurin tayo sa utos ng Diyos para makamtan ang pagbabago at pagpapala ng Diyos.
May iba na natatakot sumunod kay Kristo dahil ayaw magsa-kripisyo para kay Kristo. Totoo, hindi madali sumunod kay Kristo, dahil sabi niya, “Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko” (Lc. 14:27). Sina Simeon at Andres ay handang magsakripisyo para kay Kristo. “Iniwan ang kanilang lambat at sumunod kay Kristo.” Ibig sabihin sila’y nagtitiwala kay Kristo na hindi sila pababayaan sa kanilang buhay at pamumuhay. Bilang mga OFW, hindi tayo pababayaan ni Kristo kung Siya ang sentro sa buhay natin.
Ang pagsunod kay Kristo ay ang pagpapalaganap ng kanyang mabuting balita. Tinawag ang mga alagad upang makibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita. Tayo din ay tinawag upang makibahagi sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Sa pamamagitan ng binyag na ating tinanggap tayo ay may tungkulin upang ipahayag at ipalaganap ang Kaharian ng Diyos. Paano ipahayag ang Mabuting Balita kung hindi tayo nagbabasa ng Salita ng Diyos?
Ang ating mahal na Santo Papa, Francisco, ay nagdeklara na tuwing Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon ay itinalaga na, “Linggo ng Salita ng Diyos.” Binigyan ng halaga ang Salita ng Diyos. Importante sa atin ang mga sakramento, at mas mapalalim ang ating pananampalataya kung tayo ay magbasa at pagnilayan ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan, at ito ay magbibigay ng inspirasyon upang makilahok din tayo sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Ang pagmimisyon ay tungkulin ng lahat na tumanggap ng binyag. Hindi maging ganap ang ating pagsunod kay Kristo kung hindi tayo nagpapalaganap ng Mabuting Balita.
Ang mga unang alagad, na tinawag ni Hesus ay mga simpleng mangingisda na walang alam sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, pero, sila ay binigyan ng katiyakan na gagawin sila ni Hesus na mamamalakaya ng tao. Kung tayo ay sumunod lang kay Kristo, maranasan din natin ang mga pagpapala at gabay ng Diyos.
Sa pamamagitan ng ating binyag na tinanggap, tayo ay tinawag upang ipamalita ang Mabuting Balita!
• Father Jay Flandez SVD