Hayaan nyong lumapit as akin ang mga bata

Hayaan nyong lumapit as akin ang mga bata

Ipinagdiriwang ngayon sa ating Simbahan, lalo na sa Pilipinas ang Kapistahan ng Banal na Niño Hesus. Isa ito sa pinaka masayang Fiesta sa ibat ibang Barrio at Bayan. Madami ang sisigaw ng “PIT SEÑOR” o “VIVA SANTO NIÑO”. Sya ng Sanggol na tinutukoy ni Isaias na sinilang para sa ating kaligtasan. Sya ang Liwanag na papawi sa ating kadiliman at lilinis sa ating mga kasalanan. 

Nasabi mo na ba minsan na kay sarap maging bata muli at maglaro at hindi mag alala sa mga problema ng buhay?

Sa Ebanghelyo nabasa natin kung paano pinahalagahan ni Hesus ang mga bata.  Babalewalain lamang sana ng mga alagad at mga tao ang mga bata, kasi nga maiingay daw sila, matigas ang ulo, mga pasaway. Pero maganda ang sinabi ni Hesus tungkol sa mga bata na sa katulad nila nakalaan ang paghahari ng Diyos. Simple kasi ang mga bata. Cute sila at malambing at inosente sa buhay. Palaasa sila sa magulang.  At ang kasimplehan ng mga bata ang magandang karakter na pwede natin matutunan. Ang bata ay madaling pagsabihan.  Hindi sila mapagtanim mg galit. 

Sa Kapistahan ni Niño Hesus, lumapit tayo sa Panginoon na bigyan tayo ng kababaang loob at pag-asa. Tulad ng mga bata ay magkaroon tayo ng simpleng puso na umaasa sa pagmamahal at kalinga ng Diyos. At katulad ni Hesus, naway mabigyan natin ng halaga ang mga bata at pagmalasakitan sila. Sa panahon ngayon ng pandemya, mahalaga na mabigyan natin ng atensyon ang mga bata. Kailangan nila ng pagmamahal at kalinga. Minsan hindi naman sila maingay lagi, at pag may nararamdamang sakit o takot eh sinasarili lamang o kaya eh iiyak. Sana mabigyan natin sila ng panahon at pag unawa. Huwag natin silang balewalain. Kausapin natin sila. Pakinggan natin ang kanilang kwento at ipagdasal natin sila. Pasayahin natin sila. 

At nawa katulad ng mga bata ay magkaroon tayo ng simpleng pamumuhay na may pag-asa sa Diyos. At katulad ng mga bata na umaasa sa pagmamahal ng magulang, tayo din ay magtiwala at umasa na hindi tayo pababayaan ng Diyos sa ating mga pangangailangan. At patnubayan tayo nawa ng Santo Niño at ingatan ang lahat ng mga bata at buong pamilya.

VIVA Santo Niño.  VIVA Pit Senyor.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________