Anak ng Diyos!

Anak ng Diyos!

Sa pamamagitan ng pagtanggap ng Sakramento ng Binyag tayo ay naging mga anak ng Diyos,” sabi ng ating Katesismo. At bilang mga anak ng Diyos meron tayong katungkulan upang tunay na mapabilang tayo sa kaharian ng ating Amang nasa sa langit. 

Ang mga anak ng Diyos ay dapat masunurin sa banal ng utos ng ating Panginoon. Hindi lamang tayo tumanggap ng binyag at pagkatapos ay hindi na natin ginagampanan ang ating tungkulin bilang mga anak ng Diyos at kasapi ng Simbahan.  

Ang pagtanggap ng Sakramento ng Binyag ay may kaukulang pananagutan at ito ang nagbibigay sigla sa ating buhay bilang mga alagad ni Kristo. Tulad ni Hesus, pagkatapos tumanggap ng binyag S’ya ay nagsimula sa kanyang pagmimisyon, “public ministry”. Ang pagpapalaganap ng mabuting balita.

“Pagkaahung-pagkaahon ni Hesus sa tubig ay nakita niyang nabuksan ang kalangitan, at bumaba sa kanya ang Espiritu na gaya ng isang kalapati. At isang tinig nag nagmula sa langit: “Ikaw ang minamahal kong Anak, lubos kitang kinalulugdan.”  (Mc. 1: 10-11). Ipinahayag at ipinakita, ipinadinig na si Hesus ang Anak ng Diyos. Sa pagtanggap ng binyag tayo rin ay naging mga Anak ng Diyos. Ang misyon natin bilang tumanggap ng binyag ay ang pagpapabanal ng ating buhay. Ito ang unang misyon natin bilang tumanggap ng Sakramento ng Binyag, ang pagpapabanal nang ating buhay. Buhay kabanalan. Pangalawa na lang yan ang paglilingkod. Maraming mga naglilingkod sa simbahan pero hindi kabanalan ang hangad kundi kapangyarihan. Pagnapalitan na sa kanyang “leadership” ay hindi na sumusuporta sa gawain ng simbahan o komunidad. Kung ang paglilingkod mo ay hadlang sa iyong kabanalan, mas mabuti pa na maging simleng miembro na lang tayo at sikapin na mamuhay ng kabanalan. Si Hesus pumarito upang maglingkod at hindi paglingkuran. Hindi natutuwa ang Diyos sa iyong paglilingkod na hindi nagsisikap na mamuhay ng kabanalan.

Ang binyag na natanggap natin ay isang pinaka-magandang regalo ng ating Panginoon. Dahil sa pamamagitan ng binyag kasama na tayo sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa kalbaryo. 

Ang binyag ay magdala sa atin ng ating kaligtasan. Pero hindi “automatic” yan ha! Hindi ibig sabihin pag nabinyagan ka na ligtas ka na. Dapat gawin mo at isabuhay mo ang pangako mo sa binyag na talikuran ang mga gawa ni satanas at sundin at mahalin ang ating Panginoong Hesu-Kristo. Meron tayong katungkulan bilang tumanggap ng binyag. Meron tayo pananagutan sa ating pagtanggap ng binyag. 

Ito ang mabuting balita na sa pagtanggap natin ng Sakramento ng Binyag tayo ay naging mga anak ng Diyos!

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________