
Ilang santo ang kilala mo? Sampu? Dalawampu? Isang daan? Minsan marahil ay mas marami pang bayani ang kilala natin. O kaya naman ay mas maraming artista ang natatandaan natin. Napa-kadaling sabihin kung sino ang pambansang bayani, ang dakilang lumpo, ang utak ng katipunan, ang ina ng himagsikan, ang pumatay kay Magellan, ang unang pangulo at kung sinu-sino pa. Noong araw, kapag tinanong ako tungkol sa That’s Entertainment ay halos isa-isahin ko kung sino-sino ang myembro nito at kung anong araw sila lumalabas. Naroon pang tularan ang porma at gawi ng iniidolo natin. Subalit tila baga nauumid ang ating mga dila kapag ang tinanong naman ay ang mga santo ng Simbahan.
Ngayong Linggo ay ipinag-diriwang natin ang kapistahan ng lahat ng mga santo.

Nakakalungkot mang isipin, subalit tila ang kapistahang ito ay pinalalampas nating mga Pilipino. Para sa atin ang unang araw ng Nobyembre ay araw ng mga patay. Marahil na rin ay dahil sa ating mga nakasanayan o kakulangang ng pagtuturo. Sa ganitong kadahilanan ay may bahagi sa kasaysayan ng Simbahan na ating nakaliligtaang gunitain. Ito ay ang mga taong
may katangi-tanging buhay pananampalataya na tinatawag nating mga santo. Sila ay mga taong itinuturing na siyang yaman ng ating pananampalataya at huwaran ng kabanalan.
Ang ebanghelyo ngayong Linggo ay ukol sa mga “mapapalad.” Ang buhay ng mga Santo ay kawangis ng mga sinasambit na “mapapalad” ng ating Panginoon. Ang karamihan sa ating mga santo ay namuhay sa gitna ng karukhaan, kapighatian, kababaang loob, pagkauhaw sa katarungan, pagkamaawain, kalinisan ng puso, kapayapaan, at buhay na puno ng pag-uusig mula sa iba.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod na santo: Si San Francisco, sang anak ng mayamang mangangalakal subalit piniling mabuhay sa karukhaan; si San Esteban, na kung saan ay naging martir dahil sa pananampalataya; si San Lorenzo Ruiz, na hinarap ang kamatayan huwag lamang talikdan ang ating Diyos; si Santa Teresa na sa pamamagitan ng kanyang karanasan sa buhay espirituwal ay nagpalalim ng pananampalataya ng iba: si San Joseph Freinademetz na nagpalaganap ng pananampalataya sa China. Sila ay ilan lamang na nagpatotoo na maaari nating isakatuparan ang salita ng Diyos higit sa lahat ay ang pagkakaroon
ng buhay mapalad.
Sa ating paggunita sa kanilang mga buhay, ang mga santo ay nag- mimistulang mga huwaran ng pananampalataya. Sila ang mga nagpapatotoo sa mga turo ng ating Panginoon. Ang buhay nila ay mga paalala sa ating lahat na tayo man ay tinawag din upang maging mga santo, mga banal, at mga mapapalad sa mata ng Diyos. At kung magkagayon, tayong lahat ay sama-samang magdiriwang sa kaluwalhatian na ipinangako sa atin ng Panginoon.
Marami sa atin ay naghahangad na mapalalim ang ating mga pananampalataya. Ang ilan ay naghahanap ng mga taong matutularan at siyang magiging gabay. Ano pa ang hinihintay natin? Simulan na nating alamin ang tungkol sa mga buhay ng mga santo. Sila ay mga taong minsan ay naging tulad din natin. Dahil sa kanilang katangi-tanging buhay at pananampalataya, ang mga santo ay huwaran ng kabanalan para sa ating lahat.
• Father Alfredo Rollon SVD