
Maraming nagtatanong kung ano ba ang tunay na Simbahan. Ang tunay na Simbahan ay ‘yong tinatag ng ating Panginoon. Sa ating ebanghelyo si Pedro ay inutusan ng Panginoon ng ganito, “Ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia, at di mananaig sa kanya ang mga pintuan ng impierno. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ano man ang talian mo sa lupa ay tatalian din sa langit, at ano man ang kalagan mo sa lupa ay kakalagan din sa langit.” (Mt. 16:18-19). Malinaw na ang ating Simbahan ay Simbahan na tinatag ni Hesus. Si Hesus ang nagtayo ng ating Simba-han sa pamamagitan ni Pedro at ng kanyang mga alagad. Si San Pedro ay ang ating kaunaunahang Santo Papa, at nangako ang Panginoon kay Pedro na walang sinuman ang makakawasak ng kanyang Simbahan.
Isa lang ang Simbahan ma tinatag ng ating Panginoon. Huwag tayong maniniwala sa mga sinasabi ng iba na; “pareho lang naman yan, maski anong Simbahan okey lang, ang importante ay may Simbahan ka!” Tandaan natin, na isa lang ang Simbahan ang tinatag ng ating Panginoon. Hindi pareho lang yan!
Ang Simbahan ay daan para sa ating kaligtasan. Hindi “automatic” na pag-nabinyagan ka na ay maliligtas ka na. Ang ating binyag ay nagbibigay sa atin ng garantiya, na kung tayo ay magiging tapat sa pangako sa binyag tayo ay magkakamit ng buhay na walang hanggang. Ibig sabihin bilang binyagan, at bilang kasapi ng Simbahan ay ating pagsikapan na mamuhay na naaayon sa kalooban ni Kristo at ating pagsikapan na mamuhay ng matuwid at banal.
Si Kristo ang nagtatag ng ating Simbahan. Tayong mga kasapi ng Simbahan ay mga tao lamang na may kahinaan. Paano ba natin makamit ang buhay na kabanalan? Ito ang pangako ni Kristo kay Pedro, “ibibi-gay ko sa iyo ang susi ng langit…” Isa sa mga susi para makamit natin ang kabanalan ay ang pagtanggap ng sakramento. Dapat tanggapin natin ang Sakramento ng Binyag, dahil sa binyag tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. At nandyan ang sakramento ng Banal na Misa, kung saan matanggap natin ang katawan ni Kristo para bigyan ng lakas ang ating espiritual na pamumuhay. Kung tayo ay nagkakamali, nandyan ang Sakramento ng Kumpisal, para mapatawad tayo sa ating kasalanan at maibalik ang ating ugnayan kay Kristo. Nandyan ang Sakramento ng Kasal upang mabasbasan ang pagsasama ng mag-asawa. Ito ang susi para sa ating kaligtasan, ang pagtanggap sa mga Banal na Sakramento.
Bilang kasapi ng Simbahan meron din tayong katungkulan na dapat natin gampanan. Bawat binyagan ay tinawag din tayong lumahok sa misyon ng ating Simbahan. Ang binyagan ay ang pangunahing Simbahan. Sa panahon ng pandemya, pagsamantala munang walang “public mass”. At ito ang hamon sa atin bilang mga binyagan, ‘pangunahing simbahan’ na isabuhay natin ang ating panananampalataya sa pamamagitan ng ating personal na pagbabasa ng banal na aklat at mga panalangin.
Ikaw binyangang Katoliko, ipagmalaki mo na ikaw ay bahagi ng tunay na Simbahan!
• Father Jay Flandez SVD