
Sa unang pagbasa mula sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostoles (2:1-11) nasasalaysay ang pagdating ng Banal na Espiritu noong Pentekostes. Sa pagdapo sa kanila ng Espiritu, ipinagkaloob sa mga alagad ang di pangkaraniwang kakayahang makapagsalita sa iba’t-ibang wika. Nagkaroon sila ng lakas, tapang, at katalinuhan na mangaral sa mga taong galing sa iba’t-ibang bansa. Sa kapangyarihang bigay ng Espiritu Santo marami silang naakit para kay Kristo at marami din ang tumanggap ng binyag.
Sa Ebanghelyo ni (Jn. 20:19-23) sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “‘Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.’ Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.’”
Ang dalawang magkahiwalay na pagbibigay ng Espiritu Santo sa mga alagad ay hindi magkasalungat. Hindi ibig sabihin na sa Pentekostes lamang dumating ang Espiritu Santo. Sa katunayan magkapareho ang layunin ng pagbibigay ng Espiritu sa dalawang pagbasa, at ito ay upang isugo at palakasin ang mga apostoles sa kanilang misyon—ang mga Kristiyano ay sinusugo ni Kristo upang ipangaral ang Mabuting Balita, gawing tagasunod ni Kristo ang lahat ng bansa, at binyagan sila sa ngalan ng Banal na Santatlo.
Ang Pentekostes ang pagsisimula o inauguration ng Misyon ng Simbahan. Bilang kaluluwa ng Simbahan, ang Espiritu Santo ay siya ring lakas at kapangyarihan sa likod ng bawat pagmimisyon ng Simbahan. Paano natin maipaliliwanag ang mga bunga ng misyon kung wala dito ang impluwensya at tulong ng Espiritu Santo? Ito’y paalala sa atin na sa mga gawang Simbahan, huwag tayong umasa lamang sa sariling talino at kakayahan. Ang Espiritu ang siyang tagapaggabay ng ating misyon, at tayo ay mapalad nang gamiting mga kasangkapan niya.
Ang bisa at kapangyarihan ng Espiritu Santo ay makikita natin sa pagbabagong nagaganap sa buhay ng sino mang tumanggap ng Espiritu. Malinaw ito sa tapang at katalinuhang ipinamalas ng mga Apostoles matapos ang Pentekostes. Nagagawa na nila ang mga gawa ng Diyos kagaya ng pagpapagaling ng maysakit. Hindi na sila takot sa banta ng pag-uusig, pagkakakulong, at kahit kamatayan pa.
Kung paanong nabago ang buhay at layunin ng mga alagad ganoon din sana mabago ng Espiritu ang ating buhay at pagkatao.
Oo nga’t dapat tayong humayo—‘reach-out’ ika nga —upang maibahagi natin ang ating pananampalataya at ang iba ay makatanggap ng kaligayahan at kaligtasang handog ni Kristo. Ngunit bilang mga misyonero ng ebanghelyo, ang una at mas dakila nating magagawa ay bigyang pagkakataon ang Espiritu na baguhin tayo sa pag-iisip, pananalita, sa puso’t damdamin, sa pagkilos at paggawa. Sa ganitong paraan magiging saksi tayo ni Kristo, kalarawan ni Hesus, mga galamay ng Espiritu, at tagapagdala ng pagpapala at pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa.
Isang munting panalangin na pwede mong ulit-ulitin: Holy Spirit, you who make me see everything and show me the way to reach my ideal. You who give me the divine gift to forgive and forget the wrong that is done to me and who are in all instances of my life with me. I, in this short dialogue, want to thank you for everything and confirm once more that I never want to be separated from you no matter how great the material desires may be. I want to be with you and my loved ones in your perpetual glory. Amen.
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
• Chaplaincy for Filipinos