Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po naming malalaman ang daan? Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita (Jn. 14: 5-7).
Sa nakalipas na Linggo, ang ating pagbasa ay tungkol sa Mabuting Pastol. Si Hesus ang Mabuting Pastol, at S’ya ang pintuan. Sabi ni Hesus; “Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko’y maliligtas” (Jn. 10:9). Walang ibang daan tungo sa kaligtasan, kay Kristo lamang. Ang mga alagad ay hindi alam ang daan tungo sa kaligtasan at nagtanong si Tomas, “Panginoon, hindi po namin nalalaman ang daan?” At sabi ni Hesus na S’ya ang daan, S’ya ang pintuan ng kaligtasan.
Ang kaligtasan ay ang pagtanggap kay Kristo, dahil Siya ang pintuan para magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang pagtanggap ni Kristo ay ang pagsunod sa kanya at ang pagsasabuhay sa kanyang mga banal na aral. Ang pagsunod ni Kristo ay hindi madali dahil ang hamon N’ya sa atin ay ang paglimot sa sarili at pagpasan ng kanyang krus. Ito ang pamamaraan at daan para sa ating kaligtasan.
Si Hesus ang daan. Ibig sabihin ang ating pamumuhay ay naaayun kay Kristo. Dapat ang ating pamumuhay ay isang tunay na Kristiyano. Laging handa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at handang limutin ang sarili para sa pagtulong sa kapwa. Tapat sa Diyos at sa pamilya. Ito ang pamamaraan ng isang tunay ng Kristiyano. Totoong tao.
Si Hesus ang katotohanan. Ibig sabihin wala nang ibang magbibigay ng tunay na kalayaan kundi ang Diyos lamang. Hindi tayo maging malaya kung wala si Kristo sa buhay natin. Hindi ang materyal na bagay ang magbibigay ng kalayaan sa buhay natin. Ang pagtanggap sa katotohanan, si Hesus ang ating kalayaan.
Hindi tayo maging malaya at masaya kung nabubuhay tayo sa kasinungalingan. Tanggapin mo ang katotohanan, tanggapin mo si Kristo upang ikaw ay mapalaya sa iyong nakaraan.
Ano man ang ating pagkakamali, kasalanan kung tayo’y handa na tanggapin si Kristo tayo ay kanyang patawarin at samahan sa kanyang ipinangako, ang buhay na walang hanggan.
Si Hesus ang buhay. Kay Kristo lamang ang tunay na buhay. S’ya ang magbibigay sa atin ng tunay na buhay. Sabi ni Hesus, “Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay—isang buhay na ganap at kasiya-siya” (Jn. 10:10). Kay Kristo lamang ang ganap na buhay.
Bilang mga Migrante, kailangan natin si Kristo sa ating paglalakbay. Siya ang daan tungo sa ating ganap na buhay at kaligtasan!
As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:
https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033
• Father Jay Flandez SVD