Sa kasalukuyan ang ating lipunan ay nababalot ng takot at kadiliman dahil sa epidemya. May mga taong nawala na ng pag-asa dahil sa sitwasyon ng ating lipunan. Marami sa ating mga kababayan na nawalan ng trabaho dahil hindi makabalik, dahil sa “lockdown”. Ang iba nahihirapan sa kanilang trabaho dahil ang kanilang mga amo ay nasa bahay na nagtratrabaho, ang kanilang mga alaga ay sa bahay na rin nag-aaral sa pamamagitan ng “online learning.” Para sa kanila doble ang kanilang trabaho. “Physically and mentally drained” ang iba nating mga kababayan. At ngayon naman ang ating bayang Pilipinas ay naapektuhan na sa epidemyang ito. Para ba ang daigdig ay puno ng kadiliman.
Sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, pinagaling ni Hesus ang isang bulag. S’ya ay nakakakita na, at hindi lamang nakita niya ang liwanag ng sanlibutan, nakita N’ya ang tunay na liwanag si Hesukristo. Bulag man noon, at dahil sa kanyang pananalig kay Hesus, nabuksan ang kanyang mata at puso sa tunay na liwanag.
“Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako’y mananampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo.” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus. (Jn. 9:36-38).
Tulad ng bulag sa ating ebanghelyo, tayo ay nawawalan na ng pag-asa dahil sa pangyayari sa ating lipunan, sa ating bayan. Tandaan natin tayo ay naging binyagan. Si Kristo ang ating liwanag, lakas sa ating buhay. Huwag tayong magpadala sa mga pangyayari ng ating lipunan. Hayaan mo ang liwanag na natanggap natin mula kay Kristo ang maggabay sa ating paglalakbay. Tularan natin ang bulag na hindi nawalan ng pag-asa, dahil kay Kristo muli N’yang nakita ang ganda ng daigdig sa kabila ng kaguluhan. Dahil kay Kristo nakita N’ya ang katotohanan. Sinabi N’ya sa mga Pareseo, “Siya’y isang propeta!” At nagalit ang mga Pareseo, sabi nila “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin? At siya’y itiniwalag nila”. (Jn. 9:17).
Bilang mga Kristiyano, tayo ay maninindigan sa katotohanan. Tulad ng pinagaling na bulag, tayong mga Kristiyano ay dapat maninindigan sa katotohanan. Kung tayo ay maninindigan sa katotohanan may liwanag sa ating lipunan.
Ikaw, Kristiyano magbigay liwanag ka sa lipunan!
• Father Jay Flandez SVD