Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: “Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali- daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil! Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw! Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”(Mt. 4: 14-16).
Para sa Hudio ang mga lupaing Zabulon at Naftali ay kabilang sa mga lupain ng mga Hentil. Mga pamayanan na puno ng kadiliman at walang pag-asa. Lugar na iniiwasan dahil puno ng kasalanan at kadiliman. Noong si Hesus ay nagpunta sa mga bayan na yaon, sinabi sa ating pagbasa na may liwanag na sa lupaing ng Zabulon at Neftali. Tinutukoy dito na si Hesus ang liwanag. Hindi pumunta si Hesus sa mundong ito para lamang sa mga mabubuti, S’yang naparito para sa ating lahat, at lalong-lalo na sa mga nasa kadiliman at kasal-anan.
Kung ang buhay mo ay parang Zabulon at Neftali, na puno ng kagulohan at kadiliman, papasukin mo si Hesus sa puso at buhay mo at magkaroon ka ng liwanag at kaayusan sa iyong pamumuhay. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay liwanag sa ating buhay. Ang salita ng Diyos ay gabay sa ating paglalakbay. Ang Salita ng Diyos ay buhay. May mga tao na buhay pero ang kanilang pamumuhay ay walang kabuhay-buhay, dahil hindi nila sinasabuhay ang salita ng Diyos. May mga kapatid tayo na maraming pagsubok sa buhay pero puno pa rin ng pag-asa na harapin ang mga pagsubok sa buhay, dahil sila ay naniniwala sa Banal na Salita ng Diyos, na sinuman ang nagtitiwala at nagsasabuhay sa Banal na Salita ay hindi pababayaan ng Diyos. May mga pagsubok, pero sa pamamagitan ng ating pananampalataya ating pagtagumpayan ang lahat ng hirap sa buhay natin. Dahil ang Salita ng Diyos ay daan para sa ating tagumpay.
Inideklara ni Santo Papa Francisco na tuwing ikatlong Linggo ng karaniwang panahon; ang Linggong ito ay tatawaging “Linggo ng Salita ng Diyos.” Pinaalalahanan ng kahalagahan ng Salita ng Diyos. Ang Banal na Salita ay liwanag sa ating buhay bilang mananampalataya kay Kristo. Sikapin natin na may panahon tayo araw-araw na basahin at pagnilayan ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng banal na Salita ng Diyos ating lubusang makilala ang Diyos.
Ang aking panalangin nawa’y bawat isa sa atin ay magkaroon ng Bibliya. Hindi upang “idisplay” sa kwarto o altar natin, dapat ito ay basahin at pagnilayan ang Salita ng Diyos.
Ganon din sa ating pamilya, nawa’yn may panahon sila na magbasa ng Salita ng Diyos. Pagkatapos ng hapunan, magbigay ng ilang minuto para basahin ang
Salita ng Diyos. Ilapit natin ang ating mga mahal sa buhay kay Kristo ang ating liwanag at pag-asa.
Tandaan natin ang Salita ng Diyos ay liwanag sa daan patungo sa kanyang kaharian!
• Father Jay Flandez SVD