Makulit na pananampalataya

Ang mga bata nga naman, ang gagaling, lalo na kung may hihingin.  Tulad ng nasaksihan ko. Isang araw may magkumareng nagkwekwentuhan sa kalsada.  Di naglaon, dumating ang batang anak ng isa na ang wika sa ina, “Nanay, pahingi ng pera!”  Hindi ito pinansin ng kanyang ina na patuloy sa pag-kwento sa kumare.  Ang bata naman ay di umalis, at paulit-ulit na sinasabi, “Nay, pahinging pera!”

Di pa rin pumapansin ang ina.  At patuloy naman ang pangungulit ng anak.  Di naglaon, bumigay ang nanay na ang wika, “Ano ka ba, distorbo ka sa kwentuhan naming ng ninang mo.  O eto ang pera, lumayas ka na!”  

Wala talagang planong magbigay ng pera ang nanay sa anak, pero sa kakukulit ng anak ay bumigay na rin.

Sa ebanghelyo, ang kwento ni Hesus ay kahawig nito.  Yung babaeng balo ay kulit ng kulit sa hukom, at dahil dito bumigay din ang hukom.  Ano ang mga aral na mapupulot natin sa pagbasang ito?

Una, ito’y aral kung paano manalangin kung may panga-ngailangan.  Kailangan, alam natin ang nais nating hilingin sa Diyos Ama.  Banggitin natin ito sa panalangin.  

Sa halip na basta sabihin, “Panginoon, tulungan mo po ako,” wikain natin, “Panginoon, tulungan mo po ako sa gawaing-bahay ko” o anumang ispesipikong panga-ngailangan.  Ang mga tanong sa panalangin, “Ano ba talaga ang nais kong hilingin sa Diyos?”  Tunay bang mahalaga ito?  Talaga bang kailangang hingin ito? 

Ibig sabihin, huwag nating abalahin ang Diyos sa mga hindi naman importanteng bagay, o kaya’y mga kaya naman nating gawin.  Samakatuwid, dapat “mature” tayo sa ating pananampalataya.

Pangalawa, tulad ng halimbawa ng babaeng balo sa ebanghelyo, ang ating panalangin ay dapat na taimtim, makulit o “persevering.”  Kasama ang ibayong paggalang sa Diyos, ulit-ulitin natin ang ating kahilingan sa Diyos. 

Hindi naman sapagka’t bingi ang Diyos o malimutin; bagkus kung minsan sinusubok ng Diyos ang tibay ng ating pananampalataya o panga-ngailangan.  Kung “serious” tayo talaga sa ating kahilingan, hindi tayo agad susuko o mawawalan ng loob.  Patuloy tayong kakatok sa puso ng Diyos sa ating masipag at “makulit” na panalangin.

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


Pangatlo, dapat nating tandaan na ang Diyos ay mapagmahal at di niya tayo pababayaan.  Tulad ng isang magulang na ganoon na lamang ang pagtatanggol at pangangalaga sa karapatan at pangangailangan ng mga anak, mas higit pa ang pagtingnin ng Diyos sa atin.  Kaya para sa mga nag-iisip na walang pakialam ang Diyos sa atin, lalo na sa mga kawawa, ito’y isang pagkakamali.  Wika ng Banal na Kasulatan, “Ang Panginoon ay malapit sa mga nagdurugo ang puso o nalulumbay” (Psalm 34:18). 

Ano man ang mangyari, hindi bulag, bingi o natutulog ang Diyos.  Alam niya at nakikita ang lahat ng pangyayari.  Ang mga nang-aapi o gumagawa ng masama o yumuyurak sa karapatan ng mga kawawa ay di maliligtas sa kaparusahan ng Diyos na makatarungan.

Magpasalamat tayo sa Diyos sa mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin, lalo na sa mga “answered prayers.” At lagi nating tandaan, sa panalangin, kailangang may matibay, magalang at makulit tayong pananampalataya.  Dito tayo pagpapalain ng butihing Panginoon.

         • Father Lino Nicasio SVD

___________________________________________________________________________