Pagpapagaling at Pakikipagkasundo Kay Kristo

Pagpapagaling at Pakikipagkasundo Kay Kristo

Sa Mabuting Balita ngayong araw, ipinapakita ni Hesus kung paano mapagagaling ang mga sugat. Kapag may nagkasala sa atin, may gabay tayo sa ating dapat maging tugon: ang una nating tungkulin ay hindi ang magtsismis o gumanti. Panawagan sa atin ng Ebanghelyo na lapitan nang pribado ang taong iyon, upang magsalita ng katotohanan para “makuha muli” ang isang kapatid, at hindi para lang manalo sa argumento.

Tinutulungan tayo ni Padre Fernando Armellini scj na makita na ang pangkapatid na pagtutuwid (fraternal correction) ay isang gawa ng pagsagip. Ang taong nagkasala sa atin ay nananatili pa ring ating kapatid. Ang bawat lumalawak na antas—mula sa pribadong usapan, patungo sa mga pinagkakatiwalaang saksi, hanggang sa buong pamayanan—ay dapat laging naglalayong maibalik ang pakikipagkaisa sa taong iyon, at kailanman ay hindi upang manghiya o mang-undena. Kahit ang taong hindi nakikinig ay dapat pa ring tingnan sa pamamagitan ng mga mata ni Hesus, na lumapit sa mga itinakwil at mga makasalanan nang may pagmamahal.

May nakilala akong isang babaeng nagsikap na isalba ang kanyang pag-aasawa sa isang asawang manginginom at nananakit. Simple lang ang kanyang katwiran: “Kung ang asawa ko ay may malubhang karamdaman, aalagaan ko siya nang may lubos na pagmamahal at malasakit. Para sa akin, ang kanyang pagiging manginginom ay isa ring uri ng sakit na maaaring makamatay. Dinala siya ng Panginoon sa buhay ko, marahil dahil alam niyang aalagaan ko siya at hindi ko siya iiwan.”

Ipinapaalala sa atin ni Padre Ron Rolheiser omi na napagtagumpayan ni Kristo ang pagkakawatak-watak sa pamamagitan ng pagtanggap sa galit at pagpapalit nito ng pagmamahal, at pagtanggap sa kapaitan at pagbabalik nito ng kagandahang-loob. Ang pakikipagkasundo ay nangangai-langan ng espiritwal na lakas upang magtiis ng sakit nang hindi ito ipinapasa sa iba, magsalita nang tapat nang walang pagmamalupit, at magpatawad nang hindi nagpapanggap na walang kabuluhan ang pagkakamali.

Ang pakikipagkasundo ay hindi nakakamit sa pamamagitan lamang ng kakayahan ng tao. Pumapasok si Kristo sa bawat usapan, pinalalambot ang mga matitigas na puso, at ginagawang pintuan ng biyaya ang alitan.

Ngayon, maaari nating itanong sa ating sarili: Mayroon ba akong taong pinag-uusapan sa iba ngunit iniiwasang kausapin nang direkta? Nagsusumikap ba ako para sa pagpapanumbalik ng relasyon o para lang sa sarili kong pagmamatuwid? Nawa’y bigyan tayo ni Hesus ng lakas ng loob na simulan ang diyalogo, kababaang-loob na makinig, at awa upang kalagan ang bawat tanikala ng pagtatampo at galit.

Claretian Publications

___________________________________________________________________________