Pakinggan ninyo siya

Pakinggan ninyo siya

Sa unang pagbasa sa Aklat ng Genesis ipinakita ang katapatan ni Abraham sa pag sunod sa utos ng Panginoon. Nag salita ang Diyos kay abraham at sya naman ay nakinig at nagtiwala. Nilisan ni Abraham ang kanyang Bayan at pamilya at nangibang bayan. Nakinig sya sa utos ng Diyos. 

Katulad ng madaming OFWs na umaalis ng PILIPINAS para makipagsapalaran sa ibang bansa, tanging lakas ng loob at tiwala sa Panginoong Diyos ang dala at inaasahan. Bahala na si Lord. 

Sa Ebanghelyo naman, ang tinig ng Panginoon ang nangibabaw na paalala sa mga Apostol matapos magbagong anyo si Hesus sa kanilang harapan. “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Utos na may lambing at pagtatangi ng Panginoon sa kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Ipinakilala ng Diyos si Hesus sa mga alagad at may pakiusap. Sa ating buhay pananampalataya mahalaga ang pakikinig. Ngayong panahon ng Kwaresma ang manalangin, magnilay, at makinig ay bahagi ng tapat na pagtitiwala at pagsunod sa utos ng Diyos. Ang makinig at tumanggap sa kanyang utos. Basta huwag lang sanang pasok sa kaliwang tenga at tapos eh labas sa kabila. Dapat may pagkilos at pag tugon. Katulad ni Abraham, nakinig sya at sumunod sa utos ng Diyos. Hindi sya nagdalawang isip.
Kumilos sya at nagtiwala. Katulad ni Hesus sa Ebanghelyo, sinunod din nya ang kalooban ng Diyos Ama. At ibinahagi nya ito sa kanyang mga alagad. Minsan katulad nila Pedro mas gusto natin yung madali at convenient. Kung makakalusot. Later on natutunan nila paano ba makinig at sumunod. Naway gabayan tayo ng Diyos at tulungang makinig at maging bukas sa kanyang kalooban. Bilang mga alagad ni Hesus, ang pakikinig at pagtugon ay bahagi ng tapat na pananampalataya. At naway ang pagbabagong anyo ni Hesus ay magturo sa atin ng pagbabago ng buhay.

Father Arnold Abelardo CMF

___________________________________________________________________________