Kayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” (Mt. 3:15).
Si Hesus ay tumanggap ng binyag ni Juan Bautista hindi dahil may kasalanan siya, bagkus ito ay nagpapaalala sa atin ng kahalagahan ng Sakramento ng Binyag. Una, sa pagtanggap ng binyag, tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. Noong si Hesus ay nabinyagan, sabi sa ating ebanghelyo; “Nabukasan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos, bumababa sa kanya, gaya ng isang kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, ‘Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.’” (Mt. 3:16-17). Sa pagtanggap ng binyag, tayo ay nagiging mga anak ng Diyos. Dahil tayo ay mga anak ng Diyos, dapat ang ating pamumuhay at ang ating pananalita ay maka-Diyos. Sa ating pamumuhay, dapat makilala ang Diyos dahil tayo ay mga anak ng Diyos. May pangako sa mga tumanggap ng binyag; “nabuksan ang langit”. Mahalaga ang Sakramento ng Binyag dahil ito ang daan natin papuntang langit kung ating isabuhay ang ating pangako sa binyag, na talikuran ang kasalanan.
Ang pagtanggap ng Sakramento ng Binyag ay hindi magiging ganap kung hindi tayo makilahok sa pagmimisyon ng ating Simbahan. Sinabi ni Hesus kay Juan; “Hayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Hindi lamang tayo tumanggap ng binyag upang maging kasapi ng Simbahan; dapat din nating tuparin ang kalooban ng Diyos para sa sanlibutan. Gagamitin tayo ng Diyos upang ipalaganap ang kanyang mabuting balita sa kapwa. Gagamitin tayo ng Diyos upang ipakita ang kanyang kabutihan sa sanlibutan. Paano? Sa pamamagitan ng ating paglahok o pagsali sa mga gawain ng ating Simbahan. Sa ating pagmimisyon, ipinalaganap natin ang mabuting balita sa pamamagitan ng ating pagtulong sa ating kapwa.
Sa pagtanggap ng Sakramento ng Binyag, sumasaatin ang Banal na Espiritu Santo. Maganda ang epekto ng pagtanggap ng binyag dahil kasama na natin ang Diyos. Hindi tayo mawawala sa ating pamumuhay kung ating pakikinggan ang Espiritu Santo na nananahan sa ating puso. Maraming nawawalang binyagan dahil sila ay nakikinig sa makamundong boses, hindi sa boses ng Espiritu Santo. Upang mapakinggan natin palagi ang tinig at gabay ng Espiritu Santo, maglaan tayo palagi ng panahon para manalangin at magnilay sa mga salita ng Diyos. Dumalo sa Banal na Misa upang matanggap ang biyaya mula sa Panginoon para mamuhay ayon sa kanyang kalooban. Dahil sa social media, maraming mga opinyon at iba’t ibang pananaw sa buhay espiritual. Akala natin ay tama sila, pero ang kanilang pamamaraan ay hindi na pala naaayon sa kalooban ng Diyos. Para hindi mawala sa tunay na pananampalataya, pakinggan lagi ang tinig ng Banal na Espiritu Santo at tuparin ang turo ng ating Simbahan. Huwag hayaan na mawala tayo sa banal na daan tungo sa kanyang kaharian.
Ang Sakramento ng Binyag ay ang pag-aalay ng buhay para sa Panginoon dahil ang buhay natin ay pagsunod sa kanyang kalooban. Ang sukatan ng tunay na pagmamahal sa Diyos ay ang pagsunod at pagtupad sa kanyang kalooban. Purihin natin ang Diyos sa pagbibigay ng kanyang Bugtong na Anak. Kaya may Pasko ay dahil kay Hesus. At sya ang dakilang regalo ng Diyos para sa ating lahat. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po.
Father Jay Flandez SVD









