
Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak,
upang ang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.”(Jn. 3:16-17).
Sa linggong ito ay ating ipinagdiriwang ang dakilang kapistahan ng pagtatampok ng Krus na banal. Ang krus ay naging simbolo ng pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan. Pagmamahal na handang magsakripisyo at mag-alay ng buhay para sa kaligtasan ng ating kasalanan.
Sinabi ni Kristo, sinuman ang sumunod sa akin ay limutin ang kanyang sarili at pasanin ang kanyang krus. Ibig sabihin ang alagad ni Kristo ay nagpapasan ng Krus. Dahil ang krus ang mag-gabay sa ating paglalakbay tungo sa kanyang kaharian. Pero, ayaw natin ng Krus, dahil ito po ay abala sa ating pamumuhay, hadlang sa ating kaligayahan. Kung wala tayong krus walang direksiyon ang ating paglalakbay. Ang krus ni Kristo ang magbibigay sa atin ng kahulugan ng ating buhay. Tandaan natin, na tayo ay dumadaan lamang sa mundong ito. At ang krus ay nagpapa-alala sa atin na si Kristo ang kasama natin sa atin paglalakbay. At simunang nagpasan ng Krus ay may tagumpay, dahil sa kasama natin si Kristo.
Karamihan sa atin, mga OFWs ay maraming krus na pinapasan sa buhay. Sa sobrang dami, sa sobrang bigat, parang gusto na natin na sumuko na o mag ‘give-up’ na. Tandaan natin na ang krus ay lakas natin. Totoo mabigat pero ito ang magbibigay ng lakas, at magpapatibay ng ating pananampalataya. Dahil sa ating Krus lalo tayong kumapit sa Diyos, dahil alam natin na sa kanyang tulong ating malampasan ang ating mga pasanin sa buhay. Ang krus ay magbibigay sa atin ng tunay na tagumpay. Walang langit kung walang krus.
Ang krus ay nagbibigay sa atin ng kaalaman; na ang tunay na halaga ng buhay ay hindi lamang sa materyal na bagay kundi ang pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang banal na krus ang magbibigay kahulagan ng ating buhay. Tulad ni Hesus, ang pagsunod sa kalooban ng Ama, ang nagbibigay lakas upang yakapin at tanggapin ang Krus tungo sa kalbaryo para sa ating kaligtasan.
Bilang Katoliko ang pagtanda ng Krus tuwing tayo ay nananalangin, ay nagpapa-alala sa atin na mahal tayo ng Diyos. Niyakap N’ya ang krus dahil sa kanyang pagmamahal sa sanlibutan. At ang krus ay tanda ng ating tagumpay.
Hindi natin maihiwalay ang krus at ang langit.
Hindi tayo mawawala sa ating paglalakbay kung ang krus ang ating gabay!
Father Jay Flandez SVD