
May kasabihan ang matatanda na “Ang pag aasawa ay di parang kaning isusubo na kapag napaso ay iluluwa.” Sa panahon natin ngayon mabilis ang hiwalayan ng mga mag asawa at magkasintahan. Mabilis ang palitan ng pareha.
Pero sabi nga ni Hesus sa simula pa ng likhain ng Diyos ang lalaki at babae ang hangad ay masaya at tapat na pagsasama bilang mag asawa,“Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa.” Mahalaga na maliwanag sa magka sintahan ang papasukin nilang pagiisang dibdib. Iba ang takbo ng atin lipunan pagdating sa relasyon.
May mga hiwalayan na nagaganap dahil sa domestic violence o abuso ng mister sa asawa. May issue din ng kapabayaan o maaaring si mister o kaya ay si misis eh nangibang bakod o bahay na. Sa Ebanghelyo ang panawagan ni Hesus ay pagmamahal at katapatan. Sabi nga nya dahil sa tigas ng ulo ng mga tao kaya nasimulan ni Moises ang kautusan sa hiwalayan, pero sa una pa ang hangad ng Diyos eh kabuuan at katapatan ng magasawa sa isa’t isa sa kanilang pagsasama. Ipagdasal natin ang mga mag asawa na manatili ang respeto at pagmamahal sa isa’t isa. Sabi nga sa pangako sa kasal, “till death do us part”. O ang sabi ng awit na mamahalin ang pareha “kahit maputi na ang buhok ko.”
Sa kwento naman tungkol sa mga bata maliwanag sa mensahe ni Hesus na kailangan natin tanggapin ang paghahari ng Diyos tulad ng mga bata para mapabilang sa kaharian ng Diyos.
Ang mga bata ay halimbawa ng kasimplehan at kababaang loob. Naka asa sila sa magulang at masunurin. Masayahin at marunong makinig. Tulad ng mga bata, umasa tayo at magtiwala sa Diyos na sya ang bahala sa atin. At di tayo dapat mag alala dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos. Lagi tayong maging bukas sa Diyos at patawag sa kanya.
Sa isang banda tulad ni Hesus tugunan din natin ang pangangailangan ng mga bata lalo na ngayon sa panahon ng pandemya. Bigyan natin ng panahon at pagmamahal ang mga bata. Kausapin natin sila. Tanungin natin sila at pakinggan sa kanilang pinagdadaanan. Madami tayong matututunan sa kanila pagdating sa pananalangin at pakikinig. Pagpalain tayo ng Diyos at ingatan lagi niya.
Father Arnold Abelardo CMF