Buhay ang pagmamahal ng Diyos!

Buhay ang pagmamahal ng Diyos!

Hindi natatapos ang pagmamahal ng Diyos sa Kalbaryo. Sa muling pagkabuhay ni Hesus binibigyan ng buhay ang kanyang mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pagpapatawad at pagbibigay ng kapayapaan. “Sumainyo ang kapayapaan.” Ang pagpapatawad ay nagbibigay ng kapayapaan at buhay.

Kung tayo ay nagpapatawad magkakaroon ng buhay ang ating pamumuhay. Hindi natin makakamtan ang pagmamahal ng Diyos kung puno ng galit at hindi pagpapatawad ang puso natin. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay nagpa-alala sa atin na ang pagpapatawad at pagbibigay ng kapayapaan ay nagbibigay ng pag-asa upang mabuo tayo sa ating pagkatao at mabubuo ang ating pamilya at lipunan. Kung ang pagmamahal natin sa Diyos ay nananatili sa kalbaryo maging kalbaryo din ang buhay natin. Muling na buhay si Hesus at ating ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagbibigay buhay sa ating kapwa. Sa pagpapatawad at pagbibigay ng kapayapaan.

Ang mga alagad ay napupuno ng takot at alam ng Diyos na sila ay nag-alala sa kanilang buhay. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu Santo sila ay binigyan ng buhay ni Hesus sa pamamagitan  nga Banal na Espiritu Santo. Sabi ni Hesus sa kanila, “ tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.” Ang Espiritu Santo ang nagbibigay lakas sa ating pamumuhay. Kung wala ang Espiritu Santo sa buhay natin, napupuno tayo ng takot. Kung ang Banal na Espiritu ang naging patunubay sa ating buhay, mahaharap natin ano man ang mga pagsubok sa buhay. 

Hayaan mo ang Banal na Espiritu Santo ang gagabay sa iyo. Dahil mararanasan natin ang buhay ni Hesus, kung tayo ay makikinig sa tinig ng Espiritu Santo. 

Sa panahon ng pandemya, puno tayo ng pangamba, takot, parang bang lumiit ang mundo na ginaga-lawan natin. Tulad ng mga alagad, lumiit ang kanilang mundo dahil sa takot. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ang ating lakas at inspirasyon upang patuloy tayo sa ating pagmimisyon na walang takot, at ang pagpapalaganap sa mabuting balita at paglilingkod sa kapwa. 

Ang pagmamahal ng Diyos ay buhay na buhay, sa kanyang pagpapatawad ng kanyang mga alagad, pinatunayan ni Hesus na ang kanyang pagmamahal ay walang katapusan. Hindi namamatay ang pagmamal sa kalbaryo, ang muling pagkabuhay ay pagpapatunay na ang Kristiyanong nagmamahal ay palaging buhay, nagbibigay buhay sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa. 

Ang dakilang awa ng Diyos ay nagbibigay buhay sa atin, dahil may pag-asa tayo na makakamit din natin ang buhay na walang hanggan.

Father Jay Flandez SVD

___________________________________________________________________________