Pag-asa angdala ng Mesiyas!

Pag-asa angdala ng Mesiyas!

Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.” (Mt.11:4-5).

Ang presensya ni Hesus sa ating buhay ay nagpaalala sa atin na siya ang nagbibigay-buhay sa ating paglalakbay. Kung hiwalay tayo sa kanya, hindi tayo magkakaroon ng tunay na buhay. Ang buhay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Kung wala si Hesus sa ating buhay, walang direksyon ang ating paglalakbay. Si Hesus ang nagbibigay-direksyon sa ating buhay bilang manlalakbay. 

Noong inutusan ni Juan ang kanyang mga alagad upang tanungin kung siya na ba ang Mesiyas, ito ang tugon ni Hesus sa kanila: “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.” Ang ibig sabihin nito ay ang presensya ni Hesus ay nagbibigay pag-asa at tagumpay sa ating buhay.

Tayo bilang mga tagasunod ni Kristo ay may misyon. Ano ang misyon natin? Tulad ni Hesus, tayo rin ay magbibigay-buhay sa ating kapwa. Paano? Sa pagbabago ng ating buhay. Buhay na makamundo sa buhay na maka-Diyos. Sa panahon ng paghahanda, tayo ay pinaalalahanan ng ating Simbahan na mag-kumpisal. Linisin ang puso upang handa tayong salubungin ang pagdating ng ating Manunubos. Walang kaligtasan kung hindi malinis ang ating puso at kaluluwa. Unahin natin ang ating espiritwal na paghahanda dahil ito ang pundasyon sa ating pagdiriwang sa kapanganakan ng ating Mesiyas.

Ang paglilingkod sa kapwa ay isang pamamaraan sa ating paghahanda. Ang pagtulong sa kapwa ay pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos. Alam natin ang trahedya sa Tai Po. Maraming nawala ng tahanan at nawalan ng buhay. May mga migranteng hindi nakapaghanda at nawalan ng buhay at kagamitan. Ang ating pagsusuporta at pagtulong sa kanila ay nagbibigay-buhay. Mara-ramdaman nila na buhay ang Diyos sa pamamagitan ng ating pagtulong at malasakit sa kanila. Isama natin sila sa ating mga panalangin.

Ang Adbiento ay paghahanda sa pagdating ng ating Mesiyas. Nawa’y maglaan tayo ng oras para pagnilayan ang ating buhay. Kumusta na ba ang aking relasyon sa Panginoon? Ano na ba ang direksyon ng aking buhay? Tinahak ko pa ba ang daan para sa aking kabanalan?

Ang Adbiento ay isang panahon upang pagnilayan natin ang ating Kristiyanong pamumuhay. Kung kasama natin si Hesus, ang buhay ay puno ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Dahil si Hesus ang ating buhay sa ating paglalakbay.

Father Jay Flandez SVD

Advertisements

As we celebrate the 500 years of Christianity in the Philippines. The Chaplaincy to Filipino Migrants organises an on-line talk every Tuesday at 9.00pm. You can join us at:

https://www.Facebook.com/CFM-Gifted-to-give-101039001847033


___________________________________________________________________________